Bahagi 136
Ang salita at kalooban ng Panginoon, ibinigay sa pamamagitan ni Pangulong Brigham Young sa Winter Quarters, sa kampo ng Israel, sa Omaha Nation, sa kanlurang pampang ng Ilog Missouri, malapit sa Council Bluffs, Iowa.
1–16, Ipinaliliwanag kung paano bubuuin ang kampo ng Israel para sa pakanlurang paglalakbay; 17–27, Inuutusan ang mga Banal na mamuhay alinsunod sa napakaraming pamantayan ng ebanghelyo; 28–33, Ang mga Banal ay nararapat umawit, sumayaw, manalangin, at magtamo ng karunungan; 34–42, Pinapaslang ang mga propeta upang maparangalan sila at maparusahan ang masasama.
1 Ang Salita at Kalooban ng Panginoon hinggil sa Kampo ng Israel sa kanilang paglalakbay patungong Kanluran:
2 Bumuo ang lahat ng tao ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, at ang mga yaong naglalakbay na kasama nila, ng mga samahan, lakip ang isang tipan at pangakong susundin ang lahat ng kautusan at batas ng Panginoon nating Diyos.
3 Pangyarihin ang mga samahan na magkaroon ng mga kapitan ng mga isandaan, mga kapitan ng mga limampu, at mga kapitan ng mga sampu, na may isang pangulo at kanyang dalawang tagapayo na namumuno sa kanila, sa ilalim ng tagubilin ng Labindalawang Apostol.
4 At ito ang ating magiging tipan—na tayo ay lalakad nang naaayon sa lahat ng ordenansa ng Panginoon.
5 Maglaan ang bawat samahan para sa kanilang sarili ng lahat ng hayop, bagon, pagkain, damit, at iba pang mga kakailanganin sa paglalakbay, na kaya nila.
6 Kapag nabuo na ang mga samahan, pahayuin sila nang kanilang buong lakas, upang maghanda para sa mga yaong mananatili.
7 Magpasiya ang bawat samahan, kasama ang kanilang mga kapitan at pangulo, kung gaano karami ang makaaalis sa susunod na tagsibol; pagkatapos ay pumili ng sapat na bilang ng mga taong may malalakas na pangangatawan at kasanayan, upang magdala ng mga hayop, binhi, at kagamitang pansaka, upang humayo bilang mga tagapanguna para maghanda sa pagtatanim ng mga pananim na pantagsibol.
8 Magdala ang bawat samahan ng magkakasukat na panustos, alinsunod sa pakinabang ng kanilang ari-arian, nang makapagsama ng mga maralita, mga balo, mga ulila sa ama, at mga mag-anak ng mga yaong umanib sa hukbo, upang ang mga daing ng mga balo at ng mga ulila sa ama ay hindi makarating sa mga tainga ng Panginoon laban sa mga taong ito.
9 Maghanda ang bawat samahan ng mga bahay, at mga bukid na mapagtataniman ng mga butil, para sa mga yaong maiiwan sa panahong ito; at ito ang kalooban ng Panginoon hinggil sa kanyang mga tao.
10 Gamitin ng bawat tao ang lahat ng kanyang impluwensiya at ari-arian upang ilikas ang mga taong ito sa lugar na pagtatayuan ng Panginoon ng isang istaka ng Sion.
11 At kung gagawin ninyo ito nang may dalisay na puso, nang buong katapatan, kayo ay pagpapalain; kayo ay pagpapalain sa inyong mga kawan ng tupa, at sa inyong mga kawan ng baka, at sa inyong mga bukid, at sa inyong mga bahay, at sa inyong mga mag-anak.
12 Bumuo ng samahan ang aking mga tagapaglingkod na sina Ezra T. Benson at Erastus Snow.
13 At bumuo ng samahan ang aking mga tagapaglingkod na sina Orson Pratt at Wilford Woodruff.
14 Gayundin, bumuo ng samahan ang aking mga tagapaglingkod na sina Amasa Lyman at George A. Smith.
15 At magtalaga ng mga pangulo, at mga kapitan ng mga isandaan, at ng mga limampu, at ng mga sampu.
16 At magsihayo ang aking mga tagapaglingkod na itinalaga at ituro ito, ang aking kalooban, sa mga banal, nang sila ay maging handa na magtungo sa lupain ng kapayapaan.
17 Humayo sa inyong landas at gawin ang tulad ng sinabi ko sa inyo, at huwag katakutan ang inyong mga kaaway; sapagkat sila ay hindi magkakaroon ng kapangyarihang pigilin ang aking gawain.
18 Ang Sion ay tutubusin sa aking sariling takdang panahon.
19 At kung may sinumang tao na maghahangad na iangat ang kanyang sarili, at hindi hinahangad ang aking payo, siya ay hindi magkakaroon ng kapangyarihan, at mahahayag ang kanyang kahangalan.
20 Hangarin ninyo; at tuparin ang lahat ng inyong panata sa isa’t isa; at huwag pag-imbutan ang yaong sa inyong kapatid.
21 Ilayo ang inyong sarili mula sa kasamaan ng paggamit sa pangalan ng Panginoon nang walang saysay, sapagkat ako ang Panginoon ninyong Diyos, maging ang Diyos ng inyong mga ama, ang Diyos ni Abraham at ni Isaac at ni Jacob.
22 Ako ang siyang nag-akay sa mga anak ni Israel palabas ng lupain ng Egipto; at ang aking bisig ay nakaunat sa mga huling araw, upang iligtas ang aking mga taong Israel.
23 Tumigil sa pakikipagtalo sa isa’t isa; tumigil sa pagsasalita ng masama sa isa’t isa.
24 Tumigil sa paglalasing; at pagtibayin ng inyong mga salita ang isa’t isa.
25 Kung ikaw ay humiram sa iyong kapwa, iyong ibalik ang yaong hiniram mo; at kung hindi ka makababayad, sa gayon ay magtungo kaagad at sabihin sa iyong kapwa, nang hindi ka niya isumpa.
26 Kung hahanapin mo ang yaong nawala sa iyong kapwa, magsumigasig ka sa paghahanap hanggang sa maibigay mo muli ito sa kanya.
27 Magsumigasig ka sa pag-iingat sa anumang mayroon ka, nang ikaw ay maging matalinong katiwala; sapagkat iyan ay walang bayad na kaloob ng Panginoon mong Diyos, at ikaw ay katiwala niya.
28 Kung ikaw ay masaya, purihin ang Panginoon sa pamamagitan ng pag-awit, ng musika, ng pagsasayaw, at ng isang panalangin ng papuri at pasasalamat.
29 Kung ikaw ay malungkot, manawagan sa Panginoon mong Diyos nang may pagsusumamo, upang magalak ang inyong kaluluwa.
30 Huwag katakutan ang iyong mga kaaway, sapagkat sila ay nasa aking mga kamay at aking gagawin sa kanila ang ikasisiya ko.
31 Ang aking mga tao ay kailangang subukan sa lahat ng bagay, nang maging handa sila sa pagtanggap ng kaluwalhatiang mayroon ako para sa kanila, maging ang kaluwalhatian ng Sion; at siya na hindi makababata ng pagpaparusa ay hindi karapat-dapat sa aking kaharian.
32 Siya na walang alam ay matuto ng karunungan sa pamamagitan ng pagpapakumbaba ng kanyang sarili at sa pagtawag sa Panginoon niyang Diyos, upang mabuksan ang kanyang mga mata nang siya ay makakita, at mabuksan ang kanyang mga tainga nang siya ay makarinig;
33 Sapagkat ang aking Espiritu ay isinugo sa daigdig upang bigyang-liwanag ang mga mapagpakumbaba at nagsisisi, at para sa kaparusahan ng mga hindi makadiyos.
34 Kayo at ang mga patotoo ninyo ay itinakwil ng inyong mga kapatid, maging ng bayan na nagtaboy sa inyo;
35 At sumapit na ngayon ang araw ng kanilang kapahamakan, maging ang mga araw ng kalungkutan, tulad ng isang babaeng nanganganak; at ang kalungkutan nila ay magiging matindi maliban kung mabilis silang magsisisi, oo, nang napakabilis.
36 Sapagkat kanilang pinatay ang mga propeta, at sila na mga isinugo sa kanila; at sila ay nagpadanak ng dugo ng walang sala, na dumaraing mula sa lupa laban sa kanila.
37 Anupa’t huwag mamangha sa mga bagay na ito, sapagkat kayo ay hindi pa dalisay; hindi pa ninyo matatagalan ang aking kaluwalhatian; subalit inyo itong mamamalas kung kayo ay matapat sa pagtupad sa lahat ng aking mga salita na ibinigay ko sa inyo, mula noong mga araw ni Adan hanggang kay Abraham, mula kay Abraham hanggang kay Moises, mula kay Moises hanggang kay Jesus at sa kanyang mga apostol, at mula kay Jesus at sa kanyang mga apostol hanggang kay Joseph Smith, na siyang tinawag ko sa pamamagitan ng aking mga anghel, na mga tagapaglingkod ko, at sa pamamagitan ng aking sariling tinig mula sa kalangitan, upang isagawa ang aking gawain;
38 Na ang saligan ay kanyang inilatag, at naging matapat; at kinuha ko siya para sa aking sarili.
39 Marami ang nagtaka dahil sa kanyang kamatayan; subalit kinakailangan niyang tatakan ang kanyang patotoo gamit ang dugo niya, upang maparangalan siya at mahatulan ang masasama.
40 Hindi ba’t iniligtas ko kayo mula sa inyong mga kaaway, maliban lamang sa nag-iwan ako ng saksi sa aking pangalan?
41 Ngayon, anupa’t makinig, O kayong mga tao ng aking simbahan; at kayong mga elder ay sama-samang makinig; inyong natanggap ang aking kaharian.
42 Maging masigasig sa pagsunod sa lahat ng aking mga kautusan, kung hindi, ang paghahatol ay sasapit sa inyo, at bibiguin kayo ng inyong pananampalataya, at ang inyong mga kaaway ay magwawagi sa inyo. Kaya wala nang iba pa sa ngayon. Amen at Amen.