Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 135


Bahagi 135

Ang pagpapahayag tungkol sa pagkakamartir ni Joseph Smith, ang Propeta, at ng kanyang kapatid na si Hyrum Smith, ang Patriyarka, sa Carthage, Illinois, Hunyo 27, 1844. Kabilang ang kasulatang ito sa dulo ng 1844 na edisyon ng Doktrina at mga Tipan, na halos handa nang mailathala noong pinaslang sina Joseph at Hyrum Smith.

1–2, Naging martir sina Joseph at Hyrum sa Piitan ng Carthage; 3, Ipinagbubunyi ang nakatataas na kalagayan ng Propeta; 4–7, Nagpapatotoo ang kanilang walang salang dugo sa katotohanan at kabanalan ng gawain.

1 Upang tatakan ang patotoo sa aklat na ito at sa Aklat ni Mormon, aming ipinaaalam ang pagkakamartir ni Joseph Smith, ang Propeta, at ni Hyrum Smith, ang Patriyarka. Sila ay binaril sa piitan ng Carthage noong ika-27 ng Hunyo 1844, mga ikalima ng hapon, ng mga armadong manggugulo—na napipinturahang itim—na kinabibilingan ng mga 150 hanggang 200 katao. Si Hyrum ang unang nabaril at bumagsak nang mahinahon, napabulalas: Ako ay isa nang patay na tao! Si Joseph ay lumundag mula sa bintana, at nabaril sa kanyang pagtatangka, napabulalas: O Panginoon kong Diyos! Sila ay kapwa binaril pagkatapos nilang mamatay, sa malupit na pamamaraan, at kapwa nakatanggap ng apat na bala.

2 Tanging sina John Taylor at Willard Richards, dalawa sa Labindalawa, ang mga taong nasa loob ng silid noong oras na yaon; ang una ay nasugatan sa malupit na pamamaraan sa pamamagitan ng apat na bala, subalit kalaunan ay gumaling; ang ikalawa, sa awa ng Diyos, ay nakaligtas, na wala kahit isang butas sa kanyang báta.

3 Si Joseph Smith, ang Propeta at Tagakita ng Panginoon, ay mas maraming nagawa, maliban lamang kay Jesus, para sa kaligtasan ng mga tao sa daigdig na ito, kaysa sa sinumang tao na kailanman ay nabuhay rito. Sa maikling panahon na dalawampung taon, kanyang inilabas ang Aklat ni Mormon, na isinalin niya sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos, at naging daan din ng pagkakalathala nito sa dalawang kontinente; ipinadala ang kabuuan ng walang hanggang ebanghelyo, na nilalaman nito, sa apat na sulok ng mundo; inilabas ang mga paghahayag at kautusang bumubuo sa aklat na ito ng Doktrina at mga Tipan, at marami pang ibang kasulatan at tagubiling naglalaman ng karunungan para sa kapakinabangan ng mga anak ng tao; tinipon ang libu-libong Banal sa mga Huling Araw, nagtayo ng isang malaking lungsod, at nag-iwan ng katanyagan at pangalan na hindi makikitil. Siya ay nabuhay na dakila, at siya ay namatay na dakila sa paningin ng Diyos at ng kanyang mga tao; at tulad ng karamihan sa mga hinirang ng Panginoon noong mga sinaunang panahon, ay tinatakan ang kanyang misyon at kanyang mga gawain gamit ang kanyang sariling dugo; at gayundin ang kanyang kapatid na si Hyrum. Sa buhay ay hindi sila nagkalayo, at sa kamatayan ay hindi sila nagkahiwalay!

4 Nang magtungo si Joseph sa Carthage upang isuko ang kanyang sarili sa mga kunwaring hinihingi ng batas, dalawa o tatlong araw bago ang pagpatay sa kanya, sinabi niya: “Ako ay patutungong tulad ng isang kordero sa katayan; subalit ako ay kasinghinahon ng isang umaga sa tag-araw; ako ay may budhi na walang kasalanan sa Diyos, at sa lahat ng tao. Ako ay mamamatay na walang kasalanan, at ito ang masasabi tungkol sa akin—siya ay pinaslang nang walang habag.”—Sa umaga ring yaon, pagkatapos makapaghandang umalis si Hyrum—masasabi bang sa katayan? oo, sapagkat gayon na nga ito—binasa niya ang sumusunod na talata, sa bandang katapusan ng ikalabindalawang kabanata ng Eter, sa Aklat ni Mormon, at itinupi ang dulo ng pahina nito:

5 At ito ay nangyari na nanalangin ako sa Panginoon na biyayaan niya ang mga Gentil, upang sila ay magkaroon ng pag-ibig sa kapwa-tao. At ito ay nangyari na sinabi sa akin ng Panginoon: Kung wala silang pag-ibig sa kapwa-tao, hindi na ito mahalaga sa iyo, ikaw ay naging matapat; kaya nga, gagawing malinis ang iyong mga kasuotan. At dahil sa kinilala mo ang iyong kahinaan, ikaw ay gagawing malakas, maging hanggang sa pag-upo sa lugar na inihanda ko sa mga mansiyon ng aking Ama. At ngayon, ako … ay nagpapaalam sa mga Gentil, oo, at gayundin sa aking mga kapatid na minamahal ko, hanggang sa muli tayong magkita sa harapan ng hukumang-luklukan ni Cristo, kung saan malalaman ng lahat ng tao na hindi nabahiran ng inyong dugo ang aking mga kasuotan. Ang mga saksi ay patay na ngayon, at may bisa ang kanilang patotoo.

6 Si Hyrum Smith ay apatnapu’t apat na taong gulang noong Pebrero 1844, at si Joseph Smith ay tatlumpu’t walo noong Disyembre 1843; at mula ngayon, mabibilang ang kanilang mga pangalan sa mga martir ng relihiyon; at ang mambabasa sa lahat ng bansa ay mapaaalalahanan na ang Aklat ni Mormon, at ang aklat na ito ng Doktrina at mga Tipan ng simbahan, ay tinumbasan ng pinakanamumukod-tanging dugo ng ikalabinsiyam na siglo upang ilabas ang mga ito para sa kaligtasan ng isang nawasak na daigdig; at na kung matutupok ng apoy ang isang luntiang puno para sa kaluwalhatian ng Diyos, gaano kadali nitong susunugin ang mga tuyong puno upang padalisayin ang ubasan ng kabulukan. Sila ay nabuhay para sa kaluwalhatian; sila ay namatay para sa kaluwalhatian; at kaluwalhatian ang kanilang walang hanggang gantimpala. Sa pana-panahon, ang kanilang mga pangalan ay maipapasa sa mga angkang susunod tulad ng mga hiyas sa mga pinabanal.

7 Sila ay walang sala na anumang krimen, tulad ng madalas na nilang napatunayan noon pa, at nakukulong lamang sa piitan dahil sa pagsasabwatan ng mga taksil at masasamang tao; at ang kanilang walang salang dugo sa sahig ng piitan ng Carthage ay isang malaking tatak na nakadikit sa “Mormonismo” na hindi maitatatwa ng anumang hukuman sa mundo, at ang kanilang walang salang dugo sa kalasag ng Estado ng Illinois, lakip ang nabaling pangako ng Estado na ipinanata ng gobernador, ay isang pagpapatunay sa katotohanan ng walang katapusang ebanghelyo na hindi mapabubulaanan ng buong sanlibutan; at ang kanilang walang salang dugo sa bandila ng kalayaan at sa magna charta ng Estados Unidos ay kinatawan ng relihiyon ni Jesucristo, na aantig sa puso ng matatapat na tao sa lahat ng bansa; at ang kanilang walang salang dugo, kasama ang walang salang dugo ng lahat ng martir sa ilalim ng dambanang nakita ni Juan, ay daraing sa Panginoon ng mga Hukbo hanggang sa kanyang maipaghiganti ang dugong yaon sa mundo. Amen.