Bahagi 134
Isang pagpapahayag ng paniniwala hinggil sa mga pamahalaan at mga batas sa pangkalahatan, pinagtibay nang may buong pagkakaisa sa isang pangkalahatang pagtitipon ng Simbahan na ginanap sa Kirtland, Ohio, noong Agosto 17, 1835. Maraming Banal ang sama-samang nagtipon upang tukuyin ang mga mungkahing maging nilalaman ng unang edisyon ng Doktrina at mga Tipan. Sa panahong yaon, ang pagpapahayag na ito ay binigyan ng sumusunod na panimula: “Upang ang aming paniniwala hinggil sa mga pamahalaan sa lupa at batas sa pangkalahatan ay hindi mabigyan ng ibang kahulugan o maling pagkaunawa, aming naisip na nararapat na ilahad, sa pagtatapos ng tomong ito, ang aming pakiwari hinggil sa nabanggit.”
1–4, Nararapat pangalagaan ng mga pamahalaan ang kalayaan ng budhi at pagsamba; 5–8, Nararapat itaguyod ng lahat ng tao ang kanilang mga pamahalaan at igalang at ipagpitagan ang batas; 9–10, Ang mga samahang panrelihiyon ay hindi dapat gumamit ng mga kapangyarihang sibil; 11–12, Binibigyang-katwiran ang mga tao sa pagtatanggol sa kanilang sarili at sa kanilang ari-arian.
1 Naniniwala kami na ang mga pamahalaan ay itinatag ng Diyos para sa kapakinabangan ng tao; at na kanyang pinananagot ang mga tao sa kanilang mga gawa na may kaugnayan sa mga ito, kapwa sa paggawa ng mga batas at pagpapatupad sa mga ito, para sa ikabubuti at kaligtasan ng lipunan.
2 Naniniwala kami na walang pamahalaang makaiiral sa kapayapaan, maliban kung ang mga gayong batas ay binabalangkas at napananatiling hindi malalabag upang matiyak sa bawat tao ang malayang paggamit ng budhi, ang karapatan at pamamahala ng ari-arian, at ang pangangalaga ng buhay.
3 Naniniwala kami na kailangan ng lahat ng pamahalaan ng mga pinuno at hukom ng bayan upang ipatupad ang mga batas na nabanggit; at na ang mga yaong mamamahala sa batas nang patas at makatarungan ay nararapat kilalanin at itaguyod ng tinig ng mga tao kung isang republika, o ng kalooban ng maharlika.
4 Naniniwala kami na ang relihiyon ay itinatag ng Diyos; at ang tao ay mananagot sa kanya, at sa kanya lamang, hinggil sa pagpapairal nito, maliban kung ang kanilang mga paniniwalang panrelihiyon ay magbubunsod sa kanila na manghimasok sa mga karapatan at kalayaan ng iba; subalit hindi kami naniniwala na ang batas ng sangkatauhan ay may karapatang makialam sa pag-aatas ng mga alituntunin ng pagsamba upang igapos ang mga budhi ng mga tao, ni magdikta ng mga paraan ng pangmadla o pansariling pagsamba; na ang hukom ng bayan ay nararapat sugpuin ang krimen, subalit hindi kailanman pamahalaan ang budhi; nararapat parusahan ang pagkakasala, subalit hindi kailanman pigilan ang kalayaan ng kaluluwa.
5 Naniniwala kami na ang lahat ng tao ay may pananagutan na pagtibayin at itaguyod ang kani-kanilang mga pamahalaan kung saan sila naninirahan, hangga’t pinangangalagaan ang kanilang likas at hindi maiaalis na mga karapatan ng mga batas ng mga gayong pamahalaan; at na ang pag-aalsa at paghihimagsik laban sa pamahalaan ay hindi naaangkop sa bawat mamamayang pinangangalagaan niyon, at nararapat na parusahan nang naaayon; at na ang lahat ng pamahalaan ay may karapatang magpatupad ng mga gayong batas na sa kanilang sariling paghuhusga ay ipinagpalagay na pinakamahusay upang matiyak ang kapakanan ng madla; gayunman, kasabay nito, pinananatiling banal ang kalayaan ng budhi.
6 Naniniwala kami na ang bawat tao ay nararapat igalang sa kanyang katungkulan, tulad ng mga pinuno at hukom, sapagkat itinalaga sila para sa pangangalaga sa mga walang sala at sa pagpaparusa sa mga nagkasala; at na ang mga batas ay nararapat igalang at ipagpitagan ng lahat ng tao, sapagkat kung wala ang mga ito, ang kapayapaan at pagkakaisa ay mapapalitan ng kaguluhan at sindak; ang mga batas ng tao ay itinatag para sa tiyak na layuning pamahalaan ang ating mga ginagawa bilang mga tao at bansa, sa pagitan ng isang tao at ng isa pang tao; at mga banal na batas na ibinigay ng langit, nag-aatas ng mga alituntunin hinggil sa mga espirituwal na bagay, para sa pananampalataya at pagsamba, na kapwa pananagutan ng tao sa kanyang Tagapaglikha.
7 Naniniwala kami na ang mga pinuno, bansa, at pamahalaan ay may karapatan, at may pananagutang ipatupad ang mga batas para sa pangangalaga ng lahat ng mamamayan sa malayang pagsasabuhay ng kanilang paniniwalang panrelihiyon; subalit hindi kami naniniwala na may karapatan sila sa batas na alisan ang mga mamamayan ng pribilehiyong ito, o ipagbawal ang kanilang mga pakiwari, hangga’t may ipinakikitang pagsasaalang-alang at paggalang sa mga batas at ang mga gayong mga pakiwaring panrelihiyon ay hindi nagbibigay-katwiran sa pag-aalsa ni pagsasabwatan.
8 Naniniwala kami na ang paggawa ng krimen ay nararapat parusahan alinsunod sa uri ng pagkakasala; na ang pagpaslang, pagtataksil, panloloob, pagnanakaw, at ang paggambala sa pangkalahatang kapayapaan, sa lahat ng kadahilanan, ay nararapat parusahan alinsunod sa kasamaan ng mga ito at sa pagdudulot ng mga ito ng kasamaan sa mga tao, alinsunod sa mga batas ng yaong pamahalaan kung saan nagawa ang pagkakasala; at para sa kapayapaan at katiwasayan ng madla, ang lahat ng tao ay nararapat humakbang pasulong at gamitin ang kanilang kakayahan sa pagdadala ng mga nagkakasala laban sa mabubuting batas sa kaparusahan.
9 Hindi kami naniniwala na makatarungang ihalo ang kapangyarihang panrelihiyon sa pamahalaang sibil, kung saan ang isang samahang panrelihiyon ay pinagyayaman at ang isa pa ay pinagbabawalan sa mga espirituwal na pribilehiyo nito, at ang mga pansariling karapatan ng mga kasapi nito, bilang mga mamamayan, ay ipinagkakait.
10 Naniniwala kami na ang lahat ng samahang panrelihiyon ay may karapatang harapin ang kanilang mga kasapi para sa hindi wastong asal, alinsunod sa mga alituntunin at pamamalakad ng nasabing mga samahan; hangga’t ang mga gayong pagharap ay patungkol sa pagiging kasapi at pagkakaroon ng mabuting katayuan; subalit hindi kami naniniwala na ang anumang samahang panrelihiyon ay may karapatang litisin ang mga tao patungkol sa karapatan sa ari-arian o buhay, na kunin sa kanila ang mga ari-arian sa lupa, o ilagay sa panganib ang kanilang buhay o bisig, o magpataw sa kanila ng anumang kaparusahan sa katawan. Kanila lamang silang maititiwalag mula sa samahan nila, at bawiin mula sa kanila ang pagiging kasapi nila.
11 Naniniwala kami na ang mga tao ay nararapat umapela sa batas sibil para sa pagbabayad-pinsala sa lahat ng pang-aapi at hinaing, kung saan ipinataw ang pang-aabuso sa isang tao o nilabag ang karapatan sa ari-arian o pagkatao, kung saan may mga batas na umiiral na mangangalaga sa nabanggit; subalit naniniwala kami na ang lahat ng tao ay nabibigyang-katwiran sa pagtatanggol ng kanilang sarili, sa kanilang mga kaibigan, at ari-arian, at sa pamahalaan, mula sa mga labag sa batas na pananakit at panghihimasok sa lahat ng tao sa mga panahon ng kagipitan, kung saan ang agarang pag-apela ay hindi magagawa sa mga batas, at makapagdudulot ng kaginhawahan.
12 Naniniwala kami na makatarungang ipangaral ang ebanghelyo sa mga bansa ng mundo, at balaan ang mga matwid na iligtas ang kanilang sarili mula sa kabulukan ng sanlibutan; subalit hindi kami naniniwala na makatarungang makialam sa mga alipin, ni ipangaral ang ebanghelyo, o binyagan sila kung salungat sa kalooban at kahilingan ng kanilang mga panginoon, o manghimasok o impluwensiyahan sila sa kahit maliit na paraan upang hindi masiyahan sa mga kalagayan nila sa buhay na ito, sa gayong paraan ay isinasapanganib ang buhay ng mga tao; ang mga gayong panghihimasok ay pinaniniwalaan naming labag sa batas at hindi makatarungan, at mapanganib sa kapayapaan ng bawat pamahalaan na nagpapahintulot sa mga tao na malagay sa pagkaalipin.