Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 133


Bahagi 133

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Hiram, Ohio, Nobyembre 3, 1831. Sa paunang salita para sa paghahayag na ito, isinasalaysay sa kasaysayan ni Joseph Smith na, “Sa panahong ito, maraming bagay ang ninanais malaman ng mga Elder kaugnay sa pangangaral ng Ebanghelyo sa mga naninirahan sa mundo, at hinggil sa pagtitipon; at upang makalakad sa tunay na liwanag, at matagubilinan mula sa kaitaasan, noong ika-3 ng Nobyembre, 1831, nagtanong ako sa Panginoon, at natanggap ang sumusunod na mahalagang paghahayag.” Ang bahaging ito ay unang idinagdag sa aklat ng Doktrina at mga Tipan bilang isang apendise at kalaunan, nilapatan ito ng numero bilang isang bahagi.

1–6, Inuutusan ang mga Banal na maghanda para sa Ikalawang Pagparito; 7–16, Ang lahat ng tao ay inuutusang tumakas mula sa Babilonia, magtungo sa Sion, at maghanda para sa dakilang araw ng Panginoon; 17–35, Siya ay tatayo sa Bundok ng Sion, magiging isang lupain ang mga kontinente, at magbabalik ang mga nawawalang lipi ni Israel; 36–40, Ipinanumbalik ang ebanghelyo sa pamamagitan ni Joseph Smith upang maipangaral sa buong daigdig; 41–51, Bababa ang Panginoon nang may paghihiganti sa masasama; 52–56, Magiging taon ito ng Kanyang mga tinubos; 57–74, Palalaganapin ang ebanghelyo upang iligtas ang mga Banal at para sa pagkalipol ng masasama.

1 Makinig, O kayong mga tao ng aking simbahan, wika ng Panginoon ninyong Diyos, at pakinggan ang salita ng Panginoon hinggil sa inyo—

2 Ang Panginoon na mabilis na paroroon sa kanyang templo; ang Panginoon na bababa sa daigdig na may sumpa sa paghatol; oo, sa lahat ng bansa na nakalilimot sa Diyos, at sa lahat ng makasalanan sa inyo.

3 Sapagkat ipakikita niya ang kanyang banal na bisig sa mga paningin ng lahat ng bansa, at ang lahat ng dulo ng mundo ay makikita ang pagliligtas ng kanilang Diyos.

4 Samakatwid, maghanda kayo, maghanda kayo, O aking mga tao; pabanalin ang inyong sarili; magtipon kayo nang magkakasama, O kayong mga tao ng aking simbahan, sa lupain ng Sion, lahat kayong hindi inutusang manatili.

5 Kayo ay lumabas sa Babilonia. Maging malinis kayo na nagdadala ng sisidlan ng Panginoon.

6 Tawagin ang inyong mga kapita-pitagang kapulungan, at madalas na makipag-usap sa isa’t isa. At manawagan ang bawat tao sa pangalan ng Panginoon.

7 Oo, katotohanan, sinasabi ko sa inyong muli, sumapit na ang panahon kung kailan ang tinig ng Panginoon ay sumasainyo: Kayo ay lumabas sa Babilonia; magtipon kayo mula sa mga bansa, mula sa apat na hangin, mula sa isang dulo ng langit hanggang sa isa pa.

8 Isugo ang mga elder ng aking simbahan sa mga bansa na malalayo; sa mga pulo ng dagat; isugo sa mga banyagang lupain; manawagan sa lahat ng bansa, una sa mga Gentil, at pagkatapos sa mga Judio.

9 At dinggin, at makinig, ito ang kanilang magiging pagpapahayag, at ang tinig ng Panginoon sa lahat ng tao: Magtungo kayo sa lupain ng Sion, upang ang mga hangganan ng aking mga tao ay mapalawak, at mapatibay ang kanyang mga istaka, at upang ang Sion ay kumalat sa mga lugar sa paligid.

10 Oo, iparating ang pagpapahayag sa lahat ng tao: Gumising at bumangon at humayo upang salubungin ang Lalaking Ikakasal; dinggin, at makinig, ang Lalaking Ikakasal ay dumarating na; lumabas kayo upang salubungin siya. Ihanda ang inyong sarili para sa dakilang araw ng Panginoon.

11 Anupa’t magbantay, sapagkat hindi ninyo nalalaman ang araw ni ang oras.

12 Samakatwid, patakasin sila na nasa mga Gentil patungo sa Sion.

13 At patakasin sila na mula kay Juda patungo sa Jerusalem, patungo sa kabundukang kinatitirikan ng bahay ng Panginoon.

14 Kayo ay lumabas sa mga bansa, maging mula sa Babilonia, mula sa gitna ng kasamaan, na espirituwal na Babilonia.

15 Subalit katotohanan, ganito ang wika ng Panginoon, huwag magmadali sa inyong pagtakas, kundi ihanda ninyo ang lahat ng bagay nang maaga; at siya na umaalis, huwag siyang palingunin sapagkat baka mapasakanya ang biglaang pagkawasak.

16 Makinig at pakinggan, O kayong mga naninirahan sa mundo. Makinig, kayong mga elder ng aking simbahan na sama-sama, at pakinggan ang tinig ng Panginoon; sapagkat siya ay nananawagan sa lahat ng tao, at kanyang inuutusan ang lahat ng tao sa lahat ng dako na magsisi.

17 Sapagkat dinggin, ang Panginoong Diyos ay isinugo ang anghel na nagpapahayag sa gitna ng langit, sinasabing: Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon, at tuwirin ang kanyang mga landas, sapagkat ang oras ng kanyang pagparito ay nalalapit na—

18 Kung kailan ang Kordero ay tatayo sa Bundok ng Sion, at kasama niya ang isandaan at apatnapung libo, na nakasulat ang pangalan ng kanyang Ama sa kanilang mga noo.

19 Samakatwid, maghanda kayo para sa pagdating ng Lalaking Ikakasal; humayo kayo, humayo kayo upang salubungin siya.

20 Sapagkat dinggin, siya ay tatayo sa bundok ng Olivet, at sa ibabaw ng malawak na dagat, maging ang malalim na karagatan, at sa mga pulo ng dagat, at sa lupain ng Sion.

21 At kanyang binibigkas ang tinig niya mula sa Sion, at siya ay mangungusap mula sa Jerusalem, at ang kanyang tinig ay maririnig ng lahat ng tao.

22 At ito ay magiging tinig na tulad ng tunog ng maraming tubig, at tulad ng tunog ng isang malakas na kulog, na guguho sa kabundukan, at ang mga lambak ay hindi matatagpuan.

23 Kanyang uutusan ang malalim na karagatan, at ito ay tutulak pabalik sa mga bansa sa hilaga, at ang mga pulo ay magiging isang lupain;

24 At ang lupain ng Jerusalem at ang lupain ng Sion ay ibabalik sa kanilang dating kinalalagyan, at ang mundo ay magiging tulad noong sa mga araw bago pa ito nahati.

25 At ang Panginoon, maging ang Tagapagligtas, ay tatayo sa gitna ng kanyang mga tao, at maghahari sa lahat ng nilalang.

26 At sila na nasa mga hilagang bansa ay maaalala sa harap ng Panginoon; at maririnig ng kanilang mga propeta ang kanyang tinig, at hindi na mapipigilan ang kanilang sarili; at hahampasin nila ang mga bato, at ang yelo ay aagos sa kanilang harapan.

27 At isang lansangan ang itatayo sa gitna ng malalim na karagatan.

28 Ang kanilang mga kaaway ay masisila nila,

29 At sa mga tigang na disyerto ay may lilitaw na mga lawa ng buhay na tubig; at ang tuyong lupa ay hindi na magiging isang nauuhaw na lupa.

30 At dadalhin nila ang kanilang mamahaling kayamanan sa mga anak ni Ephraim, na aking mga tagapaglingkod.

31 At ang mga hangganan ng mga walang katapusang burol ay mayayanig sa kanilang harapan.

32 At doon sila magsisiluhod at puputungan ng kaluwalhatian, maging sa Sion, ng mga kamay ng mga tagapaglingkod ng Panginoon, maging ang mga anak ni Ephraim.

33 At sila ay mapupuspos ng mga awit ng walang katapusang kagalakan.

34 Dinggin, ito ang pagpapala ng Diyos na walang katapusan sa mga lipi ni Israel, at ang higit na mahahalagang pagpapala sa ulo ni Ephraim at ng kanyang mga kasama.

35 At sila rin na mula sa lipi ni Juda, pagkatapos ng kanilang paghihirap, ay pababanalin sa kabanalan sa harapan ng Panginoon, upang manahanan sa kanyang kinaroroonan sa araw at gabi, magpakailanman at walang katapusan.

36 At ngayon, katotohanan, wika ng Panginoon, upang ang mga bagay na ito ay maipaalam sa inyo, O mga naninirahan sa mundo, aking isinugo ang aking anghel na lumilipad sa gitna ng langit, tinataglay ang walang katapusang ebanghelyo, na nagpakita sa ilan at ipinagkatiwala ito sa tao, na magpapakita sa marami na naninirahan sa mundo.

37 At ang ebanghelyong ito ay ipangangaral sa lahat ng bansa, at lahi, at wika, at tao.

38 At ang mga tagapaglingkod ng Diyos ay hahayo, nagsasabi sa malakas na tinig: Matakot sa Diyos at magbigay-luwalhati sa kanya, sapagkat ang oras ng kanyang paghahatol ay dumating na;

39 At sambahin siya na lumikha ng langit, at lupa, at ng dagat, at ng mga bukal ng mga tubig—

40 Nananawagan sa pangalan ng Panginoon sa araw at gabi, nagsasabing: O na inyo pong punitin ang kalangitan, na kayo ay bumaba, na ang kabundukan ay umagos pababa sa inyong harapan.

41 At ito ay tutugunan sa kanilang mga ulo; sapagkat ang luwalhati ng Panginoon ay magiging tulad ng pantunaw na apoy na nagliliyab, at tulad ng apoy na nagpapakulo ng mga tubig.

42 O Panginoon, kayo po ay bababa upang ipakilala ang inyong pangalan sa mga kaaway ninyo, at lahat ng bansa ay manginginig sa inyong harapan—

43 Kapag kayo ay gumagawa ng mga kakila-kilabot na bagay, mga bagay na hindi nila inaasahan;

44 Opo, kapag kayo ay bababa, at aagos pababa ang mga bundok sa inyong harapan, inyo pong sasalubungin siya na nagagalak at gumagawa ng katwiran, na mga naaalala kayo sa inyong mga pamamaraan.

45 Sapagkat magmula pa po sa simula ng daigdig ay hindi pa narinig ng mga tao ni naunawaan ng tainga, ni nakita ng anumang mata, O Diyos, bukod sa inyo, kung gaano kadakila ang mga bagay na inyo pong inihanda para sa kanya na naghihintay sa inyo.

46 At ito ay sasabihin: Sino ito na bumababa mula sa Diyos sa langit na may tininang kasuotan; oo, mula sa mga lupaing hindi kilala, nadaramitan ng kanyang maluwalhating kasuotan, naglalakbay sa kapangyarihan ng kanyang lakas?

47 At kanyang sasabihin: Ako siya na nangungusap sa katwiran, na may kapangyarihang magligtas.

48 At ang Panginoon ay pula sa kanyang kasuotan, at ang kanyang mga damit ay tulad sa kanya na yumayapak sa pisaan ng alak.

49 At napakadakila ng magiging kaluwalhatian ng kanyang pagharap kung kaya ikukubli ng araw ang kanyang mukha sa kahihiyan, at ipagkakait ng buwan ang kanyang liwanag, at ang mga bituin ay matitinag mula sa kanilang mga kinalalagyan.

50 At ang kanyang tinig ay maririnig: Aking tinapakan ang pisaan ng ubas nang mag-isa, at naghahatol sa lahat ng tao; at wala akong nakasama;

51 At niyurakan ko sila dahil sa aking poot, at niyapakan ko sila dahil sa aking galit, at ang dugo nila ay iwinisik ko sa aking mga kasuotan, at nabahiran ang lahat ng aking damit; sapagkat ito ang araw ng paghihiganti na nasa aking puso.

52 At ngayon, ang taon ng aking mga tinubos ay sumapit na; at babanggitin nila ang mapagkalingang pagmamahal ng kanilang Panginoon, at lahat ng ipinagkaloob niya sa kanila alinsunod sa kanyang kabutihan, at alinsunod sa kanyang mapagkalingang pagmamahal, magpakailanman at walang katapusan.

53 Sa lahat ng paghihirap nila ay naghirap siya. At ang anghel na nasa kanyang harapan ang nagligtas sa kanila; at sa kanyang pag-ibig, at sa kanyang awa, tinubos niya sila, at inalagaan sila, at kinalong silang lahat noong mga sinaunang araw;

54 Oo, at pati si Enoc, at sila na mga kasama niya; ang mga propeta na nauna sa kanya; at pati si Noe, at sila na mga nauna sa kanya; at pati si Moises, at sila na mga nauna sa kanya;

55 At mula kay Moises hanggang kay Elijah, at mula kay Elijah hanggang kay Juan, na kasama ni Cristo sa kanyang pagkabuhay na mag-uli, at ang mga banal na apostol, kasama nina Abraham, Isaac, at Jacob, ay makakapiling ng Kordero.

56 At ang mga libingan ng mga banal ay mabubuksan; at sila ay babangon at titindig sa kanang kamay ng Kordero, sa pagtindig niya sa Bundok ng Sion, at sa banal na lungsod, ang Bagong Jerusalem; at kanilang aawitin ang awit ng Kordero, sa araw at gabi, magpakailanman at walang katapusan.

57 At sa kadahilanang ito, upang ang mga tao ay maging mga kabahagi sa mga kaluwalhatiang ihahayag, ipinadala ng Panginoon ang kabuuan ng kanyang ebanghelyo, ang kanyang walang hanggang tipan, nagpapaliwanag sa kalinawan at kapayakan—

58 Upang ihanda ang mahihina para sa mga yaong bagay na sasapit sa mundo, at para sa ipinapagawa ng Panginoon sa araw kung kailan tutuligin ng mahina ang marunong, at ang maliit ay gagawing isang malakas na bansa, at patatakbuhin ng dalawa ang kanilang mga sampu-sampung libo.

59 At sa pamamagitan ng mahihinang bagay ng mundo gigiik-giikin ng Panginoon ang mga bansa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng kanyang Espiritu.

60 At sa kadahilanang ito ibinigay ang mga kautusang ito; iniutos na itago ang mga ito mula sa sanlibutan noong araw na ang mga ito ay ibinigay, subalit ngayon ay ipinahahayo na sa lahat ng laman—

61 At alinsunod ito sa kaisipan at kalooban ng Panginoon, na naghahari sa lahat ng nilalang.

62 At siya na nagsisisi at pinababanal ang kanyang sarili sa harapan ng Panginoon ay bibigyan ng buhay na walang hanggan.

63 At sa kanila na hindi nakikinig sa tinig ng Panginoon ay matutupad ang yaong isinulat ng propetang si Moises, na ihihiwalay sila sa mga tao.

64 At gayundin ang yaong isinulat ng propetang si Malakias: Sapagkat dinggin, ang araw ay darating na magniningas na tulad ng hurno, at lahat ng palalo, oo, lahat ng gumagawa ng kasamaan, ay magiging pinaggapasan; at susunugin sila ng darating na araw, wika ng Panginoon ng mga hukbo, na hindi ito mag-iiwan sa kanila kahit ugat ni sanga.

65 Anupa’t ito ang magiging sagot ng Panginoon sa kanila:

66 Sa araw na yaon nang ako ay pumaroon sa sariling akin, walang sinuman sa inyo ang tumanggap sa akin, at kayo ay itinaboy palabas.

67 Nang ako ay tumawag muli, walang sumagot sa inyo; gayunpaman hindi man lamang umiksi ang aking bisig na hindi ako makatutubos, ni ang aking kapangyarihang magligtas.

68 Dinggin, sa saway ko ay aking tinutuyo ang dagat, Ginagawa kong ilang ang mga ilog; bumabaho ang kanilang mga isda, at nangangamatay dahil sa uhaw.

69 Binibihisan ko ng kadiliman ang kalangitan, ginagawa kong damit na magaspang ang kanilang pantakip.

70 At ito ang tatamuhin ninyo sa aking kamay—kayo ay magsisihiga sa kalungkutan.

71 Dinggin, at makinig, walang sinuman ang makapagliligtas sa inyo; sapagkat hindi ninyo sinunod ang aking tinig nang nanawagan ako sa inyo mula sa kalangitan; hindi kayo naniwala sa aking mga tagapaglingkod, at nang isinugo sila sa inyo ay hindi ninyo sila tinanggap.

72 Samakatwid, kanilang tinatakan ang patotoo at iningatan ang batas, at kayo ay ipinaubaya sa kadiliman.

73 Sila ay mapupunta sa labas na kadiliman, kung saan may pagtangis, at panaghoy, at pagngangalit ng mga ngipin.

74 Dinggin, ang Panginoon ninyong Diyos ang nangusap nito. Amen.