Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 132


Bahagi 132

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Nauvoo, Illinois, itinala noong Hulyo 12, 1843, na nauukol sa bago at walang hanggang tipan, kabilang ang kawalang-hanggan ng tipan ng kasal at ang alituntunin ng pagkakaroon ng maraming asawa. Bagaman ang paghahayag ay naitala noong 1843, ipinapakita ng ebidensiya na ang ilan sa mga alituntuning kabilang sa paghahayag na ito ay alam na ng Propeta kahit noong 1831 pa lamang. Tingnan ang Opisyal na Pahayag 1.

1–6, Natatamo ang kadakilaan sa pamamagitan ng bago at walang hanggang tipan; 7–14, Ibinibigay ang mga tuntunin at batayan ng tipang iyon; 15–20, Ang selestiyal na pagpapakasal at pagpapatuloy ng mag-anak ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga tao na maging mga diyos; 21–25, Ang makipot at makitid na daan ay patungo sa mga buhay na walang hanggan; 26–27, Ibinibigay ang batas hinggil sa kalapastanganan laban sa Espiritu Santo; 28–39, Ang mga pangako ng walang hanggang pag-unlad at kadakilaan ay ibinibigay sa mga propeta at sa mga Banal sa lahat ng panahon; 40–47, Binibigyan si Joseph Smith ng kapangyarihang magtali at magbuklod sa lupa at sa langit; 48–50, Tinitiyak ng Panginoon sa kanya ang kanyang kadakilaan; 51–57, Pinapayuhan si Emma Smith na maging matapat at totoo; 58–66, Ibinibigay ang mga batas na sumasaklaw sa pagkakaroon ng maraming asawang babae.

1 Katotohanan, ganito ang wika ng Panginoon sa iyo na aking tagapaglingkod na si Joseph, na yamang ikaw ay nagtatanong sa aking kamay na malaman at maunawaan kung paano ko, ang Panginoon, binigyang-katwiran ang aking mga tagapaglingkod na sina Abraham, Isaac at Jacob, gayundin sina Moises, David at Solomon, na aking mga tagapaglingkod, hinggil sa alituntunin at doktrina ng kanilang pagkakaroon ng maraming asawang babae at kalunya—

2 Dinggin, at makinig, ako ang Panginoon mong Diyos, at sasagutin kita hinggil sa bagay na ito.

3 Samakatwid, ihanda ang iyong puso na tanggapin at sundin ang mga tagubiling aking ibibigay sa iyo; sapagkat ang lahat ng yaong pinaghayagan ng batas na ito ay kailangang sundin ang gayundin.

4 Sapagkat dinggin, inihahayag ko sa inyo ang isang bago at isang walang hanggang tipan; at kung hindi kayo susunod sa tipang yaon, kung gayon, kayo ay mapapahamak; sapagkat walang sinuman ang makatatanggi sa tipang ito at mapahihintulutang pumasok sa aking kaluwalhatian.

5 Sapagkat ang lahat ng nais magkaroon ng pagpapala mula sa aking mga kamay ay susunod sa batas na itinakda para sa pagpapalang yaon, at sa mga tuntunin nito, alinsunod sa pinasimulan bago pa ang pagkakatatag ng daigdig.

6 At hinggil sa bago at walang hanggang tipan, ito ay pinasimulan para sa kabuuan ng aking kaluwalhatian; at siya na tumatanggap sa kabuuang ito ay kinakailangan at nararapat sumunod sa batas, o siya ay mapapahamak, wika ng Panginoong Diyos.

7 At katotohanan, aking sinasabi sa inyo, na ang mga batayan ng batas na ito ay ang mga ito: Lahat ng tipan, kasunduan, pagkakabigkis, pananagutan, sumpa, panata, gawain, ugnayan, samahan, o inaasahan, na hindi ginagawa at pinapasok sa at ibinubuklod ng Banal na Espiritu ng pangako, sa pamamagitan niya na siyang hinirang, kapwa maging sa buhay at sa buong kawalang-hanggan, at yaon ding pinakabanal, sa pamamagitan ng paghahayag at kautusan sa pamamagitan ng pamamaraan ng aking hinirang, na aking itinalaga sa mundo na hawakan ang kapangyarihang ito (at aking itinalaga sa aking tagapaglingkod na si Joseph na hawakan ang kapangyarihang ito sa mga huling araw, at isa lamang sa mundo sa isang panahon ang ginagawaran ng kapangyarihang ito at ng mga susi ng pagkasaserdoteng ito), ay walang epekto, bisa, o lakas sa at pagkaraan ng pagkabuhay na mag-uli ng mga patay; sapagkat lahat ng kasunduang hindi ginagawa sa layuning ito ay may katapusan kapag patay na ang mga tao.

8 Dinggin, ang aking bahay ay isang bahay ng kaayusan, wika ng Panginoong Diyos, at hindi isang bahay ng kaguluhan.

9 Ako ba ay tatanggap ng isang pag-aalay, wika ng Panginoon, na hindi ginawa sa aking pangalan?

10 O akin bang tatanggapin mula sa inyong mga kamay ang yaong hindi ko iniatas?

11 At akin bang iaatas sa inyo, wika ng Panginoon, maliban sa ito ay alinsunod sa batas, maging tulad ng pag-orden namin ng aking Ama sa inyo, bago nilikha ang daigdig?

12 Ako ang Panginoon mong Diyos; at aking ibinibigay sa inyo ang kautusang ito—na walang sinumang makalalapit sa Ama maliban kung sa pamamagitan ko o sa pamamagitan ng aking salita, na siyang aking batas, wika ng Panginoon.

13 At lahat ng bagay na nasa daigdig, maging ito man ay inorden ng mga tao, ng mga luklukan, o mga prinsipalidad, o mga kapangyarihan, o mga bagay na may pangalan, anuman ang mga ito, na hindi sa pamamagitan ko o sa pamamagitan ng aking salita, wika ng Panginoon, ay ibabagsak, at hindi mananatili pagkaraang mamatay ng mga tao, ni hindi sa o pagkaraan ng pagkabuhay na mag-uli, wika ng Panginoon mong Diyos.

14 Sapagkat ang anumang mga bagay na mananatili ay sa pamamagitan ko; at ang anumang mga bagay na hindi sa pamamagitan ko ay mayayanig at mawawasak.

15 Samakatwid, kung ang isang lalaki ay nagpakasal sa isang babae sa daigdig, at pinakasalan niya siya nang hindi sa pamamagitan ko ni sa pamamagitan ng aking salita, at nakipagtipan siya sa kanya habang siya ay nasa daigdig at siya sa kanya, ang kanilang tipan at kasal ay walang bisa kapag patay na sila, at kapag wala na sila sa daigdig; kaya nga, sila ay hindi nakatali sa anumang batas kapag wala na sila sa daigdig.

16 Samakatwid, kapag wala na sila sa daigdig, sila ay hindi ikinakasal ni ipinakakasal, kundi itinatalagang mga anghel sa langit, na mga anghel na mga tagapaglingkod, na maglilingkod sa mga yaong karapat-dapat sa isang mas labis, at higit, at walang hanggang timbang ng kaluwalhatian.

17 Sapagkat ang mga anghel na ito ay hindi sumunod sa aking batas; kaya nga hindi sila makapagpaparami, kundi mananatiling hiwa-hiwalay at nag-iisa, walang kadakilaan, sa kanilang iniligtas na kalagayan, sa buong kawalang-hanggan; at simula sa panahong ito ay hindi mga diyos, kundi mga anghel ng Diyos magpakailanman at walang katapusan.

18 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, kung ang isang lalaki ay nagpakasal sa isang babae, at gumawa ng tipan sa kanya sa buhay at sa buong kawalang-hanggan, kung ang tipang iyon ay hindi sa pamamagitan ko o sa pamamagitan ng aking salita, na siyang aking batas, at hindi ibinubuklod ng Banal na Espiritu ng pangako, sa pamamagitan niya na aking hinirang at itinalaga sa kapangyarihang ito, kung gayon, wala itong saysay ni walang bisa kapag wala na sila sa daigdig, sapagkat sila ay hindi ko pinag-isa, wika ng Panginoon, ni ng aking salita; kapag wala na sila sa daigdig, hindi ito matatanggap doon, sapagkat ang mga anghel at ang mga diyos ang itinatalaga roon, na hindi nila malalampasan; kaya nga hindi nila mamamana ang aking kaluwalhatian; sapagkat ang aking bahay ay isang bahay ng kaayusan, wika ng Panginoong Diyos.

19 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, kung ang isang lalaki ay nagpakasal sa isang babae sa pamamagitan ng aking salita, na siyang aking batas, at alinsunod sa bago at walang-hanggang tipan, at ito ay ibinuklod sa kanila ng Banal na Espiritu ng pangako, sa pamamagitan niya na siyang hinirang, kung kanino ko itinalaga ang kapangyarihang ito at ang mga susi ng pagkasaserdoteng ito; at sasabihin sa kanila—Kayo ay babangon sa unang pagkabuhay na mag-uli; at kung ito ay pagkaraan ng unang pagkabuhay na mag-uli, sa susunod na pagkabuhay na mag-uli; at magmamana ng mga luklukan, kaharian, prinsipalidad, at kapangyarihan, nasasakupan, lahat ng nasa kaitaasan at kailaliman—sa gayon, ito ay masusulat sa Aklat ng Buhay ng Kordero, na siya ay hindi papaslang upang makapagpadanak ng dugo ng walang sala, at kung kayo ay mananatiling tapat sa aking tipan, at hindi papaslang upang makapagpadanak ng dugo ng walang sala, matutupad sa kanila ang lahat ng bagay anuman ang ipinataw sa kanila ng aking tagapaglingkod, sa buhay, at sa buong kawalang-hanggan; at magkakaroon ng buong bisa kapag wala na sila sa daigdig; at malalampasan nila ang mga anghel, at ang mga diyos, na itinalaga roon, tungo sa kanilang kadakilaan at kaluwalhatian sa lahat ng bagay, tulad ng itinatak sa kanilang mga ulo, kung aling kaluwalhatian ay magkaroon ng masagana at nagpapatuloy na mga binhi magpakailanman at walang katapusan.

20 Sa gayon sila magiging mga diyos, sapagkat wala silang katapusan; kaya nga sila ay magiging mula sa kawalang-hanggan hanggang sa kawalang-hanggan, sapagkat sila ay nagpapatuloy; sa gayon sila mangingibabaw sa lahat, sapagkat ang lahat ng bagay ay nagpasasailalim sa kanila. Sa gayon sila magiging mga diyos, sapagkat taglay nila ang lahat ng kapangyarihan, at ang mga anghel ay nagpasasailalim sa kanila.

21 Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, maliban sa kayo ay sumunod sa aking batas, hindi ninyo matatamo ang kaluwalhatiang ito.

22 Sapagkat makipot ang pasukan, at makitid ang daan na patungo sa kadakilaan at pagpapatuloy ng mga buhay, at kakaunti ang nakasusumpong nito, sapagkat hindi ninyo ako tinatanggap sa daigdig ni hindi ninyo ako kilala.

23 Subalit kung inyo akong tinatanggap sa daigdig, sa gayon, makikilala ninyo ako, at matatanggap ang inyong kadakilaan; na kung nasaan ako, kayo ay makaparoroon din.

24 Ito ang mga buhay na walang hanggan—na makilala ang nag-iisang marunong at tunay na Diyos, at si Jesucristo, na kanyang isinugo. Ako siya. Samakatwid, tanggapin ninyo ang aking batas.

25 Malawak ang pasukan, at maluwang ang daan na patungo sa mga kamatayan; at marami ang nagsisipasok doon, sapagkat hindi nila ako tinatanggap, ni hindi sila sumusunod sa aking batas.

26 Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, kung ang isang lalaki ay nagpakasal sa isang babae sa pamamagitan ng aking salita, at ibinuklod sila ng Banal na Espiritu ng pangako, alinsunod sa aking itinalaga, at ang lalaki o ang babae ay gumawa ng anumang kasalanan o paglabag sa bago at walang hanggang tipan, at ng lahat ng uri ng kalapastanganan, at kung sila ay hindi papaslang kung saan nagpadanak sila ng dugo ng walang sala, gayunman, sila ay babangon sa unang pagkabuhay na mag-uli, at matatamasa ang kanilang kadakilaan; subalit sila ay wawasakin sa laman, at ipauubaya sa mga pagpapahirap ni Satanas hanggang sa araw ng pagtubos, wika ng Panginoong Diyos.

27 Ang kalapastanganan laban sa Espiritu Santo, na hindi patatawarin sa daigdig ni kapag wala na sa daigdig, ay kinabibilangan ng pagpaslang ninyo kung saan nagpadanak kayo ng dugo ng walang sala, at pagsang-ayon sa aking kamatayan, pagkatapos ninyong matanggap ang aking bago at walang hanggang tipan, wika ng Panginoong Diyos; at siya na hindi sumusunod sa batas na ito ay hindi makapapasok sa aking kaluwalhatian sa anumang paraan, sa halip ay mapapahamak, wika ng Panginoon.

28 Ako ang Panginoon mong Diyos, at itatatag ko sa iyo ang batas ng aking Banal na Pagkasaserdote, tulad ng pag-orden namin ng aking Ama bago nilikha ang daigdig.

29 Tinanggap ni Abraham ang lahat ng bagay, anuman ang kanyang natanggap, sa pamamagitan ng paghahayag at kautusan, alinsunod sa aking salita, wika ng Panginoon, at pumasok sa kanyang kadakilaan at umupo sa kanyang trono.

30 Tumanggap si Abraham ng mga pangako hinggil sa kanyang mga binhi, at tungkol sa bunga ng kanyang mga balakang—na mga balakang na pinagmulan mo, ikaw, na aking tagapaglingkod na si Joseph—na magpapatuloy habang sila ay nasa daigdig; at hinggil kay Abraham at sa kanyang mga binhi, magpapatuloy sila kahit wala na sa daigdig; magpapatuloy kapwa sa daigdig at kapag wala na sa daigdig na kasindami ng mga hindi mabilang na bituin; o, kung bibilangin ninyo ang mga buhangin sa dalampasigan, hindi ninyo mabibilang ang mga ito.

31 Ang pangakong ito ay inyo rin, sapagkat kayo ay mula kay Abraham, at ginawa ang pangako kay Abraham; at sa pamamagitan ng batas na ito ipinagpapatuloy ang mga gawain ng aking Ama, kung saan niya niluluwalhati ang kanyang sarili.

32 Samakatwid, humayo kayo at gawin ang mga gawain ni Abraham; magpasakop kayo sa aking batas at kayo ay maliligtas.

33 Subalit kung hindi kayo pasasakop sa batas, hindi ninyo matatanggap ang pangako ng aking Ama, na kanyang ginawa kay Abraham.

34 Inutusan ng Diyos si Abraham, at ibinigay ni Sara si Hagar kay Abraham upang maging asawa. At bakit niya ito ginawa? Sapagkat ito ang batas; at mula kay Hagar ay sumibol ang maraming tao. Samakatwid, isinasakatuparan nito, bukod sa ibang mga bagay, ang mga pangako.

35 Samakatwid, nasa ilalim ba ng kahatulan si Abraham? Katotohanan, sinasabi ko sa inyo, Wala; sapagkat ako, ang Panginoon, ang nag-utos nito.

36 Si Abraham ay inutusan na ialay ang kanyang anak na si Isaac; gayunpaman, ito ay nasusulat: Huwag kang papatay. Gayunman, si Abraham ay hindi tumanggi, at ito ay ibinilang sa kanya na katwiran.

37 Si Abraham ay tumanggap ng mga kalunya, at nagsilang sila sa kanya ng mga anak; at ito ay ibinilang sa kanya na katwiran, sapagkat ibinigay sila sa kanya, at siya ay sumunod sa aking batas; gaya rin ng hindi paggawa nina Isaac at Jacob ng ibang bagay maliban sa yaong iniutos sa kanila; at sapagkat wala silang ginawang anumang bagay maliban sa yaong iniutos sa kanila, pumasok sila sa kanilang kadakilaan, alinsunod sa mga pangako, at umupo sa mga luklukan, at hindi mga anghel kundi mga diyos.

38 Si David din ay tumanggap ng maraming asawa at kalunya, at pati rin sina Solomon at Moises na aking mga tagapaglingkod, gaya rin ng marami ko pang ibang mga tagapaglingkod, mula sa simula ng paglikha hanggang sa panahong ito; at hindi sila nagkasala maliban sa mga yaong bagay na hindi nila tinanggap mula sa akin.

39 Ang mga asawa at kalunya ni David ay ibinigay ko sa kanya, sa pamamagitan ng kamay ni Nathan, ang aking tagapaglingkod, at ang iba pa sa mga propeta na may mga susi ng kapangyarihang ito; at hindi siya nagkasala sa akin sa mga bagay na ito maliban sa kaso ni Uria at ng kanyang asawa; at kaya nga siya nahulog mula sa kanyang kadakilaan, at natanggap ang kanyang bahagi; at hindi niya sila maaangkin kapag wala na sila sa daigdig, sapagkat ibinigay ko sila sa iba, wika ng Panginoon.

40 Ako ang Panginoon mong Diyos, at ibinigay ko sa iyo, aking tagapaglingkod na Joseph, ang isang katungkulan, at ipanumbalik ang lahat ng bagay. Hilingin kung ano ang naisin mo, at ito ay ibibigay sa iyo alinsunod sa aking salita.

41 At sapagkat ikaw ay nagtanong hinggil sa pakikiapid, katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, kung ang isang lalaki ay tumanggap ng asawa sa bago at walang hanggang tipan, at kung pumisan ang babae sa ibang lalaki, at hindi ako nagtalaga sa kanya alinsunod sa banal na paghirang, ang babae ay nagkasala ng pakikiapid at mawawasak.

42 At kung hindi siya pumasok sa bago at walang hanggang tipan, at pumisan siya sa ibang lalaki, siya ay nagkasala ng pakikiapid.

43 At kung ang kanyang asawang lalaki ay pumisan sa ibang babae, at nasa ilalim siya ng isang pangako, sinira niya ang kanyang pangako at nagkasala ng pakikiapid.

44 At kung ang babae ay hindi nagkasala ng pakikiapid, sa halip ay inosente at hindi nilabag ang kanyang pangako, at kanya itong alam, at inihayag ko ito sa iyo, aking tagapaglingkod na Joseph, sa gayon, magkakaroon ka ng kapangyarihan, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng aking Banal na Pagkasaserdote, na kunin ang babae at ibigay siya sa lalaking hindi nagkasala ng pakikiapid, sa halip ay naging matapat; sapagkat siya ay gagawing tagapamahala sa marami.

45 Sapagkat aking iginawad sa iyo ang mga susi at kapangyarihan ng pagkasaserdote, na aking ginagamit sa pagpapanumbalik sa lahat ng bagay, at ipinaaalam sa iyo ang lahat ng bagay sa takdang panahon.

46 At katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, na anumang bagay na iyong ibinubuklod sa lupa ay mabubuklod sa langit; at anumang bagay na iyong itinatali sa lupa, sa aking pangalan at alinsunod sa aking salita, wika ng Panginoon, ito ay itatali nang walang hanggan sa kalangitan; at anumang kasalanan na iyong pinapatawad sa lupa ay patatawarin nang walang hanggan sa kalangitan; at kanino mang kasalanan na hindi mo pinapatawad sa lupa ay hindi patatawarin sa langit.

47 At muli, katotohanan, sinasabi ko, sinuman ang iyong pinagpapala ay aking pagpapalain, at sinuman ang iyong isinusumpa ay aking isusumpa, wika ng Panginoon; sapagkat ako, ang Panginoon, ay iyong Diyos.

48 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, aking tagapaglingkod na Joseph, na anuman ang iyong ibinibigay sa lupa, at kung kanino mo man ibinibigay ang sinuman sa lupa, alinsunod sa aking salita at ayon sa aking batas, ito ay dadalawin nang may kalakip na mga pagpapala at hindi mga sumpa, at kalakip ang aking kapangyarihan, wika ng Panginoon, at hindi gagawaran ng parusa sa lupa at sa langit.

49 Sapagkat ako ang Panginoon mong Diyos, at ako ay makakasama mo maging hanggang sa katapusan ng daigdig, at sa buong kawalang-hanggan; sapagkat katotohanan, aking ibinubuklod sa iyo ang kadakilaan mo, at inihahanda ang isang luklukan para sa iyo sa kaharian ng aking Ama, kasama ni Abraham na iyong ama.

50 Dinggin, nakita ko ang iyong mga sakripisyo, at patatawarin ang lahat ng iyong mga kasalanan; nakita ko ang iyong mga sakripisyo sa pagsunod sa yaong aking sinabi sa iyo. Samakatwid, humayo, at ako ang gagawa ng paraan para sa iyong pagtakas, gaya ng pagtanggap ko sa pag-aalay ni Abraham sa kanyang anak na si Isaac.

51 Katotohanan, sinasabi ko sa iyo: Isang kautusan ang aking ibinibigay sa aking lingkod na babae na si Emma Smith, ang iyong asawa, na siyang ibinigay ko sa iyo, na pigilan niya ang kanyang sarili at huwag makibahagi sa yaong aking iniutos sa iyo na ialok sa kanya; sapagkat ginawa ko ito, wika ng Panginoon, upang subukin kayong lahat, gaya ng aking ginawa kay Abraham, at upang makahingi ako ng isang pag-aalay sa iyong kamay, sa pamamagitan ng tipan at sakripisyo.

52 At tanggapin ng aking lingkod na babae na si Emma Smith ang lahat ng yaong ibinigay sa aking tagapaglingkod na si Joseph, na malilinis at mga dalisay sa harapan ko; at ang mga yaong hindi dalisay, at nagsabi na sila ay dalisay, ay lilipulin, wika ng Panginoong Diyos.

53 Sapagkat ako ang Panginoon mong Diyos, at iyong susundin ang aking tinig; at ibinibigay ko sa aking tagapaglingkod na si Joseph na siya ay gagawing tagapamahala sa maraming bagay; sapagkat siya ay naging matapat sa ilang bagay, at magmula ngayon, akin siyang palalakasin.

54 At aking inuutusan ang aking lingkod na babae na si Emma Smith na manatili at pumisan sa aking tagapaglingkod na si Joseph, at sa wala nang iba pa. Subalit kung hindi siya susunod sa kautusang ito ay wawasakin siya, wika ng Panginoon; sapagkat ako ang Panginoon mong Diyos, at wawasakin siya kung hindi siya susunod sa aking batas.

55 Subalit kung hindi siya susunod sa kautusang ito, kung gayon, ang aking tagapaglingkod na si Joseph ay gagawin ang lahat ng bagay para sa kanya, maging gaya ng kanyang sinabi; at akin siyang pagpapalain at pararamihin siya at bibigyan siya ng isandaang ulit sa daigdig na ito, ng mga ama at ina, mga kapatid na lalaki at babae, mga bahay at lupain, mga asawa at anak, at mga putong ng mga buhay na walang hanggan sa mga walang hanggang daigdig.

56 At muli, katotohanan, sinasabi ko, patawarin ng aking lingkod na babae ang tagapaglingkod kong si Joseph sa kanyang mga paglabag; at sa gayon, siya ay patatawarin sa kanyang mga paglabag, na kanyang paglabag sa akin; at ako, ang Panginoon mong Diyos, ay pagpapalain siya, at pararamihin siya, at pagagalakin ang kanyang puso.

57 At muli, sinasabi ko, huwag hayaan ng aking tagapaglingkod na si Joseph na alisin sa kanyang mga kamay ang mga ari-arian niya, at baka dumating ang isang kaaway at wasakin siya; sapagkat si Satanas ay naghahangad na mangwasak; sapagkat ako ang Panginoon mong Diyos, at siya ay aking tagapaglingkod; at dinggin, at makinig, ako ay kasama niya, gaya ng kasama ako ni Abraham, ang iyong ama, maging hanggang sa kanyang kadakilaan at kaluwalhatian.

58 Ngayon, hinggil sa batas ng pagkasaserdote, maraming bagay ang nauukol dito.

59 Katotohanan, kung ang isang lalaki ay tinawag ng aking Ama, gaya ni Aaron, sa pamamagitan ng sarili kong tinig, at sa pamamagitan ng tinig niya na nagsugo sa akin, at ipinagkaloob ko sa kanya ang mga susi ng kapangyarihan ng pagkasaserdoteng ito, kung siya ay gumagawa ng anumang bagay sa aking pangalan, at alinsunod sa aking batas at ayon sa aking salita, siya ay hindi makagagawa ng kasalanan, at siya ay aking bibigyang-katwiran.

60 Samakatwid, huwag hayaang batikusin ng sinuman ang aking tagapaglingkod na si Joseph; sapagkat akin siyang bibigyang-katwiran; sapagkat kanyang gagawin ang sakripisyo na aking hinihingi sa kanyang mga kamay dahil sa kanyang mga paglabag, wika ng Panginoon mong Diyos.

61 At muli, hinggil sa batas ng pagkasaserdote—kung ang isang lalaki ay ikinasal sa isang birhen, at naghahangad na magpakasal sa isa pa, at ang una ay nagbigay ng kanyang pahintulot, at kung kanyang pinakasalan ang ikalawa, at sila ay mga birhen, at hindi nanumpang maikasal sa sinumang lalaki, sa gayon siya nabibigyang-katwiran; hindi siya magkakasala ng pakikiapid sapagkat sila ay ibinigay sa kanya; sapagkat hindi siya magkakasala ng pakikiapid sa yaong pag-aari niya at hindi sa kanino man.

62 At kung siya ay may sampung birhen na ibinigay sa kanya alinsunod sa batas na ito, hindi siya magkakasala ng pakikiapid, sapagkat sila ay sa kanya, at ibinigay sila sa kanya; kaya nga siya ay nabibigyang-katwiran.

63 Subalit kung isa o sinuman sa sampung birhen, pagkatapos na siya ay maikasal, ay pumisan sa ibang lalaki, nagkasala siya ng pakikiapid, at wawasakin; sapagkat sila ay ibinigay sa kanya upang magpakarami at punuin ang lupa, alinsunod sa aking kautusan, at upang tuparin ang pangakong ibinigay ng aking Ama bago pa ang pagkakatatag ng daigdig, at para sa kanilang kadakilaan sa mga walang hanggang daigdig, nang sila ay magsilang sa mga kaluluwa ng tao; sapagkat dito nagpapatuloy ang gawain ng aking Ama, nang siya ay luwalhatiin.

64 At muli, katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, kung may asawa ang isang lalaki, na humahawak sa mga susi ng kapangyarihang ito, at kanyang itinuturo sa babae ang batas ng aking pagkasaserdote, na nauukol sa mga bagay na ito, sa gayon, siya ay maniniwala at tutulong sa kanya, o siya ay mawawasak, wika ng Panginoon mong Diyos; sapagkat akin siyang wawasakin; sapagkat aking palalakihin ang aking pangalan sa lahat ng yaong tumatanggap at sumusunod sa aking batas.

65 Samakatwid, ito ay makatarungan sa akin, kung hindi niya tinatanggap ang batas na ito, na kanyang tatanggapin ang lahat ng anumang bagay na akin, ang Panginoon niyang Diyos, ay ibibigay sa kanya, sapagkat ang babae ay hindi naniwala at hindi tumulong sa kanya alinsunod sa aking salita; at siya kung gayon ay nagiging tagalabag; at ang lalaki ay hindi nasasaklaw ng batas ni Sara, na tumulong kay Abraham alinsunod sa batas nang aking utusan si Abraham na kunin si Hagar na maging asawa.

66 At ngayon, hinggil sa batas na ito, katotohanan, katotohanan, aking sinasabi sa iyo, ako ay magpapahayag pa nang marami sa iyo, pagkaraan nito; kaya nga, maging sapat ito sa kasalukuyan. Dinggin, ako ang Alpha at Omega. Amen.