Bahagi 130
Iba-ibang tagubilin na ibinigay ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Ramus, Illinois, Abril 2, 1843.
1–3, Ang Ama at ang Anak ay maaaring magpakita nang personal sa mga tao; 4–7, Naninirahan ang mga anghel sa isang selestiyal na daigdig; 8–9, Ang selestiyal na mundo ay magiging isang malaking Urim at Tummim; 10–11, Isang puting bato ang ibibigay sa lahat ng pumapasok sa selestiyal na daigdig; 12–17, Itinago sa Propeta ang oras ng Ikalawang Pagparito; 18–19, Babangong kasama natin sa Pagkabuhay na Mag-uli ang katalinuhan na natamo sa buhay na ito; 20–21, Dumarating ang lahat ng pagpapala sa pamamagitan ng pagsunod sa batas; 22–23, Ang Ama at ang Anak ay may mga katawang laman at mga buto.
1 Kapag ang Tagapagligtas ay magpapakita, atin siyang makikita bilang siya. Ating makikita na isa siyang tao na tulad ng ating sarili.
2 At ang yaon ding pakikipag-ugnayan na umiiral sa atin dito ay iiral sa atin doon, subalit sasamahan ito ng walang hanggang kaluwalhatian, na kaluwalhatiang hindi pa natin tinatamasa ngayon.
3 Juan 14:23—Ang pagpapakita ng Ama at ng Anak, sa talatang yaon, ay isang personal na pagpapakita; at ang paniniwala na ang Ama at ang Anak ay nananahan sa puso ng isang tao ay isang lumang paniniwala ng mga sekta, at mali.
4 Bilang kasagutan sa katanungang—Hindi ba ang pagbilang ng oras ng Diyos, oras ng anghel, oras ng propeta, at oras ng tao ay alinsunod sa planeta kung saan sila naninirahan?
5 Aking itinutugon, Oo. Subalit walang mga anghel na naglilingkod sa mundong ito maliban sa mga yaong nabibilang o nabilang dito.
6 Ang mga anghel ay hindi naninirahan sa isang planetang tulad ng mundong ito;
7 Sa halip, naninirahan sila sa kinaroroonan ng Diyos, sa isang daigdig na tulad ng isang dagat ng salamin at apoy, kung saan ang lahat ng bagay para sa kanilang kaluwalhatian ay nakikita, ang nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap, at nagpapatuloy sa harapan ng Panginoon.
8 Ang pook kung saan naninirahan ang Diyos ay isang malaking Urim at Tummim.
9 Ang mundong ito, sa kanyang pinabanal at walang kamatayang kalagayan, ay gagawing tulad ng kristal at magiging isang Urim at Tummim sa mga taong nananahan doon, kung saan ang lahat ng bagay na nauukol sa isang mababang kaharian, o lahat ng kahariang may nakabababang antas, ay ipakikita sa mga yaong nananahan dito; at ang mundong ito ay magiging kay Cristo.
10 Sa panahong iyon, ang batong puti na binanggit sa Apocalipsis 2:17 ay magiging isang Urim at Tummim sa bawat taong tumatanggap nito, na magpapabatid sa mga bagay na nauukol sa isang nakatataas na antas ng mga kaharian;
11 At isang batong puti ang ibibigay sa bawat isa sa mga yaong nagtutungo sa kahariang selestiyal, kung saan nakasulat ang isang bagong pangalan, na walang sinumang nakaaalam maliban sa kanya na tumanggap nito. Ang bagong pangalan ang hudyat.
12 Aking ipinopropesiya, sa pangalan ng Panginoong Diyos, na ang simula ng mga kahirapang magdudulot ng labis na pagdanak ng dugo bago ang pagparito ng Anak ng Tao ay mangyayari sa Timog Carolina.
13 Ito ay malamang na magsisimula dahil sa usapin hinggil sa pang-aalipin. Ipinahayag ito sa akin ng isang tinig, habang ako ay taimtim na nananalangin hinggil sa paksa, noong ika-25 ng Disyembre, 1832.
14 Ako noon ay buong taimtim na nananalangin upang malaman ang oras ng pagparito ng Anak ng Tao, nang makarinig ako ng isang tinig na inihahayag ang sumusunod:
15 Joseph, aking anak, kung mabubuhay ka hanggang sa ikaw ay walumpu’t limang taon, iyong makikita ang mukha ng Anak ng Tao; anupa’t hayaang ito ay maging sapat na, at huwag na akong abalahin pa sa bagay na ito.
16 Iniwan ako na gayon, na hindi man lamang nakapagpasiya kung ang pagparitong ito ay tumutukoy sa simula ng milenyo o sa ibang naunang pagpapakita, o kung mamamatay ako at sa gayon ay makikita ang kanyang mukha.
17 Naniniwala ako na ang pagparito ng Anak ng Tao ay hindi magiging mas maaga kaysa sa oras na yaon.
18 Anumang antas ng katalinuhan ang ating matatamo sa buhay na ito, kasama natin itong babangon sa pagkabuhay na mag-uli.
19 At kung ang isang tao ay nagkakamit ng maraming kaalaman at katalinuhan sa buhay na ito sa pamamagitan ng kanyang pagsusumigasig at pagsunod kaysa sa iba, magkakaroon siya ng labis na kalamangan sa daigdig na darating.
20 May isang batas, na hindi mababago na itinakda sa langit bago pa ang pagkakatatag ng daigdig na ito, kung saan ang lahat ng pagpapala ay nakabatay—
21 At kapag tayo ay nagtatamo ng anumang pagpapala mula sa Diyos, dahil ito sa pagsunod sa batas kung saan ito nakabatay.
22 Ang Ama ay may katawang laman at mga buto na nahahawakan na tulad ng sa tao; gayundin ang Anak; subalit ang Espiritu Santo ay walang katawang laman at mga buto, kundi isang katauhang Espiritu. Kung hindi ganito, ang Espiritu Santo ay hindi makapananahan sa atin.
23 Maaaring matanggap ng isang tao ang Espiritu Santo, at ito ay maaaring bumaba sa kanya at hindi manatili sa kanya.