Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 129


Bahagi 129

Mga tagubiling ibinigay ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Nauvoo, Illinois, noong Pebrero 9, 1843, na ipinapabatid ang tatlong dakilang paraan upang maaaring matukoy ang pagkakaiba sa tunay na pagkatao ng mga naglilingkod na anghel at espiritu.

1–3, May kapwa nabuhay na mag-uli at mga katawang espiritu sa langit; 4–9, Ibinibigay ang mga paraan upang maaaring makilala ang mga sugo mula sa kabila ng tabing.

1 May dalawang uri ng nilalang sa langit, ang mga ito ay: Mga anghel, na mga nabuhay na mag-uling katauhan, na may mga katawang may laman at mga buto—

2 Halimbawa, sinabi ni Jesus: Hawakan ako at tingnan, sapagkat ang isang espiritu ay walang laman at mga buto, tulad ng nakikita ninyong mayroon ako.

3 Pangalawa: ang mga espiritu ng mga matwid na tao na ginawang sakdal, sila na hindi mga nabuhay na mag-uli, subalit nagmana ng gayunding kaluwalhatian.

4 Kapag dumating ang isang sugo na nagsasabing siya ay may mensahe mula sa Diyos, iabot sa kanya ang inyong kamay at hilingin sa kanya na makipagkamay sa inyo.

5 Kung siya ay isang anghel, gagawin niya iyon, at mararamdaman ninyo ang kanyang kamay.

6 Kung siya ay isang espiritu ng matwid na tao na ginawang sakdal, darating siya taglay ang kanyang kaluwalhatian; sapagkat iyon lamang ang tanging paraan upang makapagpakita siya—

7 Hilingin sa kanya na makipagkamay sa inyo, subalit siya ay hindi gagalaw, sapagkat salungat sa patakaran ng langit para sa isang matwid na tao na manlinlang; subalit kanya pa ring ibibigay ang kanyang mensahe.

8 Kung ito ay ang diyablo na nagbabalat-kayong anghel ng liwanag, kapag hiniling ninyo sa kanya na makipagkamay, iaabot niya sa inyo ang kanyang kamay, at wala kayong mararamdamang anuman; kaya nga maaari ninyo siyang makilala.

9 Ang mga ito ang tatlong dakilang paraan upang inyong malaman kung ang alinmang pabatid ay mula sa Diyos.