Pangkalahatang Kumperensya
Mga Ideya para sa Pagkatuto at Pagtuturo


“Mga Ideya para sa Pagkatuto at Pagtuturo mula sa Pangkalahatang Kumperensiya,” Mga Ideya para sa Pagkatuto at Pagtuturo mula sa Pangkalahatang Kumperensiya (2020)

“Mga Ideya para sa Pagkatuto at Pagtuturo mula sa Pangkalahatang Kumperensiya,” Mga Ideya sa Pagkatuto at Pagtuturo mula sa Pangkalahatang Kumperensiya

Mga Ideya para sa Pagkatuto at Pagtuturo mula sa Pangkalahatang Kumperensiya

Sa unang kumperensiya ng ipinanumbalik na Simbahan, gumawa ng kahanga-hangang mga pangako ang Panginoon sa mga taong “tatanggap” at “tatalima” sa mga salita ng Kanyang mga propeta. “Sapagkat sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na ito ang pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa inyo; oo, at itataboy ng Panginoong Diyos ang mga kapangyarihan ng kadiliman mula sa harapan ninyo, at payayanigin ang kalangitan para sa inyong ikabubuti, at sa ikaluluwalhati ng kanyang pangalan” (Doktrina at mga Tipan 21:4–6).

Mula noong unang kumperensiyang iyon, inabangan na ng mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na marinig ang tinig ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod. Isipin kung paano mo mas lubos na matatanggap at mapakikinggang mabuti ang mga mensaheng natatanggap mo mula sa mga propeta ng Panginoon at iba pang mga pinuno ng Simbahan sa pangkalahatang kumperensiya.

Nasa ibaba ang ilang ideya na dapat mong isipin habang natututo ka mula sa mga mensahe sa pangkalahatang kumperensiya nang personal, sa iyong pamilya, at sa mga klase o miting sa Simbahan.

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral

  • Makinig sa Espiritu. Ang pag-aaral ng mga mensahe sa kumperensiya ay nag-aanyaya ng paghahayag. Habang nag-aaral ka, bigyang-pansin ang mga kaisipan at damdaming nagmumula sa Espiritu kahit wala itong kinalaman sa mensahe sa kumperensiya. Maaaring ang mga impresyong iyon ang mga bagay mismo na nais ipaalam ng Diyos sa iyo.

  • Magtanong at maghanap ng mga sagot. Tuklasin ang mas malalim na kahulugan sa isang mensahe sa kumperensiya sa pamamagitan ng pagtatanong na tutulong sa iyo na pagnilayan ang itinuturo ng mensahe. Maaari kang magtanong na tulad ng “Paano pinatitibay ng mensaheng ito ang pananampalataya ko kay Jesucristo?” o “Paano ako matutulungan nito na maging mas mabuting disipulo?”

  • Itala ang iyong mga impresyon. Maraming paraan para maitala ang iyong mga impresyon. Halimbawa, maaari mong isulat sa journal ang iyong mga naunawaan o magtala sa mga gilid ng mensahe sa kumperensiya.

  • Isabuhay mo mismo ang mensahe. Kahit ang higit na nagbibigay-inspirasyong mensahe sa kumperensiya ay may limitadong halaga kung hindi natin ito isasabuhay at hahayaang gabayan ang ating mga iniisip at desisyon. Ano ang nais ng Ama sa Langit na gawin ko dahil sa mensaheng ito?

  • Hanapin ang mga reperensiya. Para mapalalim ang iyong pag-unawa sa mensahe ng isang tagapagsalita, hanapin ang mga talata sa banal na kasulatan at ang mga turo ng propeta na binanggit sa buong mensahe at sa mga endnote.

  • Hanapin ang … Maraming bagay na maaari mong hanapin habang pinag-aaralan mo ang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensiya. Habang nag-aaral ka, isiping hanapin ang mga sumusunod:

    • Si Jesucristo. Maghanap ng mga patotoo tungkol sa Tagapagligtas at mga paglalarawan ng Kanyang buhay, Kanyang mga turo, Kanyang Pagbabayad-sala, at ng kapangyarihang maibibigay Niya sa mga sumusunod sa Kanya.

    • Mga salita at pariralang nagbibigay-inspirasyon. Markahan o isulat ang iyong mga saloobin tungkol sa mga salita at pariralang nagbibigay-inspirasyon sa iyo, na pakiramdam mo’y mahalaga sa iyo, o naghihikayat sa iyo.

    • Mga alituntunin at doktrina. Itanong sa iyong sarili, “Anong mga alituntunin o doktrina ang itinuro sa mensaheng ito?” Kung minsan ang mga alituntunin at doktrina ay tuwirang ipinapahayag, at kung minsa’y inilalarawan sa isang kuwento o halimbawa.

    • Mga listahan. Kung minsa’y magbibigay ang isang tagapagsalita ng isang listahan ng mga ideya, aplikasyon, o katotohanan. Maaari ka ring mahikayat na gumawa ng sarili mong listahan ng mga bagay na natututuhan mo.

    • Mga paanyaya at pagpapala. Maghanap ng mga paanyayang kumilos at mga pagpapalang ipinangako. Tukuyin kung paano ka kikilos ayon sa mga paanyayang iyon.

  • Gumawa ng mga link. Sa Gospel Library, maaari kang gumawa ng mga link sa pagitan ng mga mensahe sa kumperensiya, mga banal na kasulatan, at iba pang content.

  • Mag-organisa ayon sa paksa. Sa Gospel Library, maaari mong iorganisa ang content ayon sa mga paksa gamit ang “Tags” at “Notebooks.” Maaari itong maging kapaki-pakinabang kalaunan kapag naghahanda ka ng isang mensahe o lesson.

  • Magtakda ng iskedyul. Sa Gospel Library, maaari kang gumawa ng plano sa pag-aaral na tutulong sa iyo na subaybayan ang progreso mo sa pag-aaral ng mga mensahe bago sumapit ang susunod na kumperensiya. Maaari ka ring magtakda ng mga paalala para matulungan kang makamit ang iyong mga mithiin sa pag-aaral.

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Pamilya

  • Magdispley ng isang sipi. Pumili ng isang sipi na makabuluhan para sa iyo at idispley ito kung saan ito madalas na makikita ng mga kapamilya. Maaari mo rin itong i-share online. Maaaring maghalinhinan ang mga miyembro ng iyong pamilya sa pagpili ng isang siping ipo-post. Maaari ninyong piliing isaulo ang mga sipi bilang pamilya.

  • Lumikha ng isang bagay. Maaaring masiyahan ang mga miyembro ng iyong pamilya sa paggawa ng isang bagay, tulad ng pagdodrowing o paggawa ng bookmark, na binigyang-inspirasyon ng isang bagay na itinuro sa isang mensahe sa kumperensiya. Maaaring ibahagi ng lahat ang kanilang ginawa.

  • Rebyuhin ang mga kuwento. Maghanap ng mga kuwento sa mga mensahe sa kumperensiya na tutulong sa iyong pamilya na matutuhan ang mga alituntunin ng ebanghelyo. Maaaring maghalinhinan ang mga miyembro ng iyong pamilya sa pagsasalaysay ng mga paborito nilang kuwento, o maaari ninyong isadula ang mga ito.

  • Isabuhay ang mga turo. Matapos pag-aralan nang sama-sama ang isang mensahe sa kumperensiya, talakayin ang iba’t ibang paraan na nauugnay ang mga turo sa mga nararanasan ng iyong pamilya. Pagkatapos ay magpasiya bilang pamilya kung ano ang gagawin ninyo para maisabuhay ang natutuhan ninyo.

  • Magbahagi ng mga turo. May mga pakinabang ang pagbabasa ng mga mensahe sa kumperensiya nang mag-isa at pagkatapos ay pagsasama-sama para magbahagi ng mga kaalaman at nagbibigay-inspirasyong mga sipi. Maaari itong maging magandang paraan para matuto mula sa isa’t isa.

  • Magtanong. Kung may mga tanong ang mga miyembro ng iyong pamilya tungkol sa isang paksa ng ebanghelyo, mag-ukol ng oras na maghanap ng mga sagot sa mga mensahe sa kumperensiya tungkol sa paksang iyon (tingnan sa tab na “Mga Paksa” sa Gospel Library app).

  • Pag-aralan ang mga mensahe ng propeta. Bilang pamilya, isiping pag-aralan ang ilang mensahe ng Pangulo ng Simbahan (tingnan sa tab na “Mga Tagapagsalita” sa Gospel Library app).

Para sa partikular na mga ideya para sa mga pamilyang may maliliit na anak, tingnan sa “Mga Aktibidad para sa mga Bata” (ChurchofJesusChrist.org).

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Klase sa Simbahan

  • Mag-anyaya ng paghahanda. Mas malamang na magkaroon kayo ng makabuluhang talakayan tungkol sa isang mensahe sa kumperensiya kung napag-aralan ng mga miyembro ang mensahe nang maaga. Maghanap ng mga paraan para ipaalam sa kanila ang tatalakayin. Maaari mo pa silang bigyan ng isa o dalawang tanong na dapat pag-isipan para matulungan silang maghanda.

  • Magtalakayan nang grupu-grupo. Sa talakayan ng mas maliit na grupo, mas nakakalahok ang mas maraming tao. Isiping hatiin ang mga miyembro sa maliliit na grupo at atasan ang bawat grupo na basahin at talakayin ang ibang bahagi ng mensahe sa kumperensiya. Pagkatapos ay maaari mong hilingin sa bawat grupo na ibahagi ang isang katotohanang natutuhan nila. O maaari kang magbuo ng mga bagong grupo ng mga tao na pinag-aralan ang iba’t ibang bahagi at hayaang ibahagi nila sa isa’t isa ang natutuhan nila.

  • Sagutin ang mga tanong. Ang pagbibigay ng mga tanong na tulad nito ay maaaring magpasimula ng mga makabuluhang talakayan tungkol sa isang mensahe sa kumperensiya: Anong mga katotohanan ng ebanghelyo ang matatagpuan natin sa mensaheng ito? Paano natin maisasabuhay ang mga katotohanang ito? Anong mga paanyaya at ipinangakong pagpapala ang ibinigay? Ano ang itinuturo sa atin ng mensaheng ito tungkol sa gawaing nais ng Diyos na gawin natin?

  • Magbahagi ng mga sipi. Maaaring magbigay-inspirasyon na marinig ang isa’t isa na magsalita kung paano tayo naantig at napasigla ng isang mensahe sa kumperensiya. Hikayatin ang mga miyembro na magbahagi ng makabuluhang mga sipi mula sa isang mensahe sa kumperensiya, at hilingin sa kanila na isipin kung paano nila maibabahagi ang mga siping ito para pagpalain ang isang kakilala nila.

  • Magbahagi ng isang object lesson. Kung naghahanap ka ng malikhaing paraan para talakayin ang isang mensahe sa kumperensiya, anyayahan nang maaga ang ilang miyembro na magdala ng mga bagay mula sa bahay nila na magagamit nila para magturo ng isang bagay mula sa mensahe. Hilingin sa mga miyembro na ipaliwanag kung paano nauugnay ang mga bagay na iyon sa mga partikular na bahagi ng mensahe.

  • Maghanda ng isang lesson na ituturo sa tahanan. Narito ang isang paraan para mahikayat ang mga pamilya na matuto sa bahay mula sa mga mensahe sa kumperensiya: Hilingin sa mga miyembro na magpartner-partner para magplano ng isang home evening lesson batay sa isang mensahe sa kumperensiya. Paano natin maiuugnay ang mensahe sa ating mga pamilya?

  • Magbahagi ng mga karanasan. Ang mga pahayag at kuwento mula sa mga mensahe sa kumperensiya ay maaaring maghikayat sa mga miyembro na magbahagi ng sarili nilang nauugnay na mga karanasan o halimbawa mula sa mga banal na kasulatan. Maaaring ilarawan o palakasin ng mga halimbawang ito ang doktrinang itinuro sa mensahe ng kumperensiya.

  • Pag-aralan ang isang talata sa banal na kasulatan. Karamihan sa mga mensahe sa kumperensiya ay naglalaman ng nauugnay na mga scripture passage—sa mensahe mismo o sa mga endnote. Maaaring basahin ng mga miyembro ang isang scripture passage na binanggit sa mensahe sa kumperensiya at talakayin kung paano nakakatulong ang mga turo sa mensahe na mas maunawaan nila ang mga scripture passage.

  • Maghanap ng sagot. Makakakita ang mga miyembro ng mas malalim na kahulugan sa mga mensahe sa kumperensiya kung magtatanong ka ng mga bagay na naghihikayat ng pagninilay o pagsasabuhay ng mga alituntunin ng ebanghelyo na itinuturo sa mga ito (para sa tulong, tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 31–32). Maaari mong hilingin sa mga miyembro na pumili ng isang tanong at gamitin ang mensahe sa pagsulat ng sagot. Anyayahan silang talakayin ang mga sagot nila sa maliliit na grupo.

  • Iparinig ang audio o ipalabas ang video. Ang isa sa pinakamagagandang paraan para matulungan ang mga miyembro na madama ang diwa ng isang mensahe ay iparinig ang maikling audio o ipalabas ang video clip ng mensahe.