“Setyembre 8–14: ‘Mapanatag at Malaman na Ako ang Diyos’: Doktrina at mga Tipan 98–101,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)
“Doktrina at mga Tipan 98–101,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025
C.C.A. Christensen (1831–1912), Saints Driven from Jackson County Missouri [Mga Banal na Pinalalayas mula sa Jackson County Missouri], c. 1878, tempera sa muslin, 77 ¼ x 113 pulgada. Brigham Young University Museum of Art, regalo ng mga apo ni C.C.A. Christensen, 1970.
Setyembre 8–14: “Mapanatag at Malaman na Ako ang Diyos”
Doktrina at mga Tipan 98–101
Para sa mga Banal noong 1830s, ang Independence, Missouri ang literal na lupang pangako. Ito ang “tampok na lugar” ng Sion (Doktrina at mga Tipan 57:3)—ang lungsod ng Diyos sa lupa—at ang pagtitipon ng mga Banal doon ay isang kapana-panabik na pasimula sa Ikalawang Pagparito. Pero iba ang tingin ng mga kapitbahay nila sa lugar sa mga bagay-bagay. Tumutol sila sa sinasabi na naipagkaloob na ng Diyos ang lupain sa mga Banal, at hindi sila panatag sa mga ibinunga sa pulitika, ekonomiya, at lipunan ng napakabilis na pagdagsa ng napakaraming di-pamilyar na tao. Hindi nagtagal at nauwi sa pang-uusig at karahasan ang kawalan ng kapanatagan. Noong 1833, ang palimbagan ng Simbahan ay nawasak, at sapilitang pinalayas ang mga Banal mula sa kanilang tahanan.
Mahigit 800 milya ang layo ni Joseph Smith sa Kirtland, at nakarating ang balitang ito sa kanya makalipas ang ilang linggo. Pero alam ng Panginoon kung ano ang nangyayari, at inihayag Niya sa Kanyang propeta ang mga alituntunin ng kapayapaan at panghihikayat na aalo sa mga Banal—mga alituntunin na maaari ding makatulong sa atin kapag nahaharap tayo sa pang-uusig, kapag hindi natupad ang ating mabubuting hangarin, o kapag kailangan natin ng paalala na ang ating mga dalamhati sa araw-araw, kahit paano, ay “magkakalakip na gagawa para sa [ating] ikabubuti” kalaunan (Doktrina at mga Tipan 98:3).
Tingnan sa Mga Banal, 1:196–223; “Waiting for the Word of the Lord,” sa Revelations in Context, 196–201.
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Doktrina at mga Tipan 98:1–3, 11–14, 22; 101:1–16, 22–31, 36
Ang aking mga pagsubok ay magkakalakip na gumagawa para sa aking ikabubuti.
Ang ilan sa ating mga hamon sa buhay ay sanhi ng sarili nating mga pagpili. Ang iba ay sanhi ng mga pagpili ng iba. At kung minsa’y basta nangyayari ang mga bagay-bagay na bahagi ng mortalidad. Anuman ang dahilan, maaaring makatulong ang paghihirap para matupad ang mga banal na layunin kapag bumaling tayo sa Diyos.
Totoo ito para sa mga Banal sa Missouri noong 1833, at totoo ito para sa atin ngayon. Habang binabasa mo ang sinabi ng Panginoon sa mga Banal sa Doktrina at mga Tipan 98 at 101, pagnilayan kung paano naaangkop ang Kanyang mensahe sa iba’t ibang pagsubok o paghihirap na maaaring mayroon ka. Narito ang ilang tanong at resources na makakatulong sa iyo.
Kung ang pagsubok ay bunga ng:
-
Mga personal na pagpili: Anong payo—at mga pangako—ang nakita mo sa Doktrina at mga Tipan 98:11–12; 101:1–9? Ano ang natututuhan mo mula sa mga talatang ito tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo? Ano sa palagay mo ang nais ipagawa sa iyo ng Tagapagligtas?
-
Mga pagpili ng iba: Anong kapanatagan ang nakita mo sa Doktrina at mga Tipan 98:1–3, 22; 101:10–16, 22? Paano ang pagtugon na nais ng Panginoon na gawin natin sa pang-aabuso, pambu-bully, o karahasan? (Tingnan sa Tulong sa Buhay, “Pang-aabuso,” Gospel Library; Mga Paksa at Tanong, “Pang-aabuso,” Gospel Library.) Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa mga paraan na magagawa nating magtiwala sa Panginoon?
-
Mga paghihirap sa mortalidad: Anong pananaw ang natamo mo mula sa Doktrina at mga Tipan 98:1–3; 101:22–31, 36? Ano ang natututuhan mo mula sa iyong mga pagsubok? Ano ang ginagawa mo para maanyayahan ang tulong ng Diyos? Paano ka Niya tinutulungan?
Para malaman ang iba pa kung paano magagawa ng Diyos na ang “lahat ng bagay na kung saan [ka] pinahirapan … [na] magkakalakip na gagawa para sa [iyong] ikabubuti,” (Doktrina at mga Tipan 98:3), isiping pag-aralan ang mensahe ni Elder Anthony D. Perkins na “Alalahanin ang Inyong mga Nagdurusang Banal, O Aming Diyos” (Liahona, Nob. 2021, 103–5). Maaari kang maghanap ng isang sipi sa kanyang mensahe na nagpapaunawa sa iyo kung paano ka inaanyayahan ng Tagapagligtas na ituring mo ang iyong mga hamon. Sa anong mga paraan nagtulungan ang iyong mga pagsubok para sa iyong ikabubuti o naisakatuparan ang mga layunin ng Diyos?
Tingnan din sa Roma 8:28; 2 Nephi 2:2; Doktrina at mga Tipan 90:24; D. Todd Christofferson, “Sa Sion ay Magtungo,” Liahona, Nob. 2008, 37–40; “Trial of Adversity,” “Feeling the Lord’s Love and Goodness in Trials,” “The Refiner’s Fire” (mga video), ChurchofJesusChrist.org.
Panahon ng Pagsubok
PTH_PRJ15829224_Q4ComeFollowMeD&C-VALP_FeelingTheLordsGoodness_DUB_01Aug2025_HDF-2398_TGL.mp4
The Refiner's Fire
Doktrina at mga Tipan 98:23–48
Nais ng Panginoon na maghangad ako ng kapayapaan sa Kanyang paraan.
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang mga alagad ni Jesucristo ay dapat maging huwaran ng pagsunod na tutularan ng buong mundo. Nakikiusap ako sa inyo na gawin ninyo ang lahat para wakasan ang mga personal na tunggalian na [kasalukuyang] nagngangalit sa inyong puso at sa inyong buhay” (“Ang Kapangyarihan ng Espirituwal na Momentum,” Liahona, Mayo 2022, 97).
Bagama’t hindi lahat ng nasa Doktrina at mga Tipan 98:23–48 ay angkop sa iyong personal na mga pakikipag-ugnayan sa iba, anong mga alituntunin ang nakikita mo na maaaring gumabay sa iyo para wakasan ang mga personal na alitan sa iyong buhay? Maaari kang makakita ng karagdagang mga katotohanan sa isang awitin tungkol sa kapayapaan o pagpapatawad, tulad ng “Ang Katotohanan sa Atin” (Mga Himno, blg. 172).
Detalye mula sa Christ and the Rich Young Ruler [Si Cristo at ang Mayamang Binatang Pinuno], ni Heinrich Hofmann
Pinangangalagaan ng Panginoon ang mga taong naglilingkod sa Kanya.
Ang mga paghahayag sa mga bahagi 99 at 100 ay ibinigay sa mga taong may mahahalagang responsibilidad sa Simbahan pero nag-aalala rin sa kanilang pamilya. Ano ang nakita mo sa mga paghahayag na ito na makakatulong sa kanila? Ano ang mensahe ng Panginoon para sa iyo sa mga paghahayag na ito?
Tingnan din sa “John Murdock’s Missions to Missouri” sa “‘I Quit Other Business’: Early Missionaries” at “A Mission to Canada,” sa Revelations in Context, 87–89, 202–7.
Doktrina at mga Tipan 101:43–65
Ang pagsunod sa payo ng Diyos ay tumutulong para manatili akong ligtas.
Ipinaliliwanag ng talinghaga sa Doktrina at mga Tipan 101:43–62 kung bakit pinahintulutan ng Panginoon na mapalayas ang mga Banal mula sa Sion. Habang binabasa mo ang mga talatang ito, may nakikita ka bang anumang mga paraan na katulad ka ng mga tagapaglingkod sa talinghaga? Paano mo ipapakita sa Diyos na ikaw ay “nakahandang maakay sa tama at wastong pamamaraan para sa [iyong] kaligtasan”? (tingnan sa mga talata 63–65).
Isadula ang mga salaysay o talinghaga. Kung minsa’y mas madaling matuto at umugnay sa mga kuwento at talinghaga sa mga banal na kasulatan kapag inilagay natin ang ating sarili sa katayuan ng mga taong inilalarawan doon. Kung nagtuturo ka ng Doktrina at mga Tipan 101:43–62, maaari mong anyayahan ang mga mag-aaral na isadula ang talinghaga habang binabasa ito nang malakas ng isang tao. Anong mga kabatiran ang natamo mo sa paglalapat ng mga galaw sa mga salita?
Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.
Mga Tao, Lugar, Pangyayari
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Kaya ng Diyos na gawing mga pagpapala ang aking mga pagsubok.
-
Maaari kang magsimula ng isang talakayan sa pagtatanong sa iyong mga anak tungkol sa ilan sa mga hamong kinakaharap ng mga batang kaedad nila. Pagkatapos ay maaari ninyong sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 98:1–3 at pag-usapan kung paano magagawang mga pagpapala ni Jesucristo ang mga pagsubok. Maaari mong ibahagi sa iyong mga anak ang mga halimbawa kung paano Niya nagawang mga pagpapala ang iyong mga pagsubok.
Doktrina at mga Tipan 98:39–40
Tinutulungan ako ng Tagapagligtas na magpatawad.
Paunawa: Habang itinuturo mo sa iyong mga anak ang kahalagahan ng pagpapatawad, tiyakin na nauunawaan din nila na kung may nananakit sa kanila, dapat nilang sabihin iyon palagi sa isang pinagkakatiwalaang adult.
-
Ang mga kabanata 34 at 35 sa Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan ( 128–34) ay makakatulong sa iyo na ituro kung paano tinrato ang mga Banal sa Missouri noong 1833. Maaari ninyong pag-usapan ng iyong mga anak kung ano ang maaaring nadama ng mga Banal na ito. Pagkatapos ay maaari ninyong sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 98:23, 39–40 para alamin kung ano ang ninais ng Panginoon na gawin nila. Maaari ninyong pag-usapan ng iyong mga anak ang mga pagkakataon na kinailangan ninyong patawarin ang isang tao at kung paano kayo tinulungan ng Tagapagligtas.
-
Maaari ka ring magpakita sa iyong mga anak ng mga larawan ng isang masayang mukha at isang malungkot na mukha. Pag-usapan ang mga sitwasyon kung kailan hindi mabait ang isang tao, at magmungkahi ng mga paraan ng pagtugon. Tulungan ang iyong mga anak na pumili kung magiging masaya o malungkot sila sa bawat tugon sa pamamagitan ng pagtuturo sa kaukulang mukha. Bakit nais ni Jesus na patawarin natin ang mga tao, maging ang mga taong hindi mabait sa atin?
Kaguluhan sa Missouri: Panatilihing malakas ang pananampalataya sa mapanganib na panahon
Chapter 35: The Saints Leave Jackson County, Missouri: September–December 1833
Doktrina at mga Tipan 101:16, 23–32
Si Jesucristo ay makapagbibigay sa akin ng kapayapaan.
-
Matapos basahin ang Doktrina at mga Tipan 101:16, tulungan ang iyong mga anak na mapansin ang payapang damdaming dumarating kapag tahimik tayo at nag-iisip tungkol kay Jesus—halimbawa, kapag nagdarasal tayo o tumatanggap ng sakramento. Maaari din ninyong sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa pagpipitagan, tulad ng “Tahimik, Taimtim” (Aklat ng mga Awit Pambata, 11). Paano natin madarama ang Kanyang kapayapaan sa ating tahanan?
-
Maaaring interesado ang iyong mga anak na malaman kung ano ang magiging buhay kapag muling pumarito si Jesucristo. Sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 101:23–32, at pag-usapan ang mga bagay na nakita nila sa mga talatang ito na maghahatid sa atin ng kagalakan pagdating Niya. Bakit mahalaga na malaman ang mga bagay na ito kapag nagdaranas tayo ng hirap?
Maghahatid ng kapayapaan at kagalakan si Jesucristo kapag pumarito Siyang muli.
Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.