Pagkakaroon ng Katatagan ng Damdamin: Mitzi Semo
Debosyonal ng Relief Society sa 2026: Isang Pandaigdigang Pagtitipon ng Kababaihan
Linggo, Marso 8, 2026
Noong ako ay bata pang ina, ang panganay namin ay isang taong gulang, habang nasa trabaho ako ay nakatanggap ako ng tawag mula sa trabaho ng mister ko. At sabi nila, “Nasugatan nang malubha ang asawa mo.” Kailangang makapunta ka kaagad sa ospital." At naaalala kong sumakay ako sa kotse at sinubukang paandarin ito pero namalayan kong nanginginig ako nang husto. Mas matindi pala ang pag-aalala ko kaysa sa inakala ko. At umupo ako roon, at kinailangan ko lang magdasal. Pagkatapos ay nakaramdam ako ng matinding kapayapaan at init, at alam kong magiging maayos ang lahat. Kaya, nang makarating ako sa ospital at sinabi sa akin ng doktor, “Hindi namin alam kung makakayanan ito ng asawa mo.” Naaalala ko ang pakiramdam ko pagkasakay ko sa kotse, at hindi naman parang sinasabi sa akin ng Panginoon na, “Huwag kang mag-alala, magiging malusog ang asawa mo gaya ng dati,” pero alam ko pa rin na magiging maayos ako at magiging maayos din kami kahit ano pa ang maging resulta.
At kapag iniisip ko ang katatagan ng damdamin, naiisip ko ang kapayapaang ibinibigay sa inyo ng Tagapagligtas at tinutulungan kayong madama. Anuman ang maging resulta at anuman ang sitwasyong kinakaharap, alam ninyong nariyan Siya at tutulungan Niya kayo sa lahat ng ito. At ganoon ang naramdaman ko sa buong pagsubok na iyon. At hindi ito naging madali. Dumaan kami sa isang taon na puno ng hirap, kapwa sa pisikal at espirituwal, pero nalampasan namin iyon at marami kaming natutuhan.
Masasabi kong hindi lahat sa atin ay magkakaroon ng parehong mga karanasan sa buhay. Pero alam ko na para sa akin, sa panahong iyon, kailangan kong bumaling sa Panginoon at makipag-ugnayan sa Kanya. At sa paggawa niyon, pakiramdam ko ay malalampasan ko talaga ito. At ang katatagan ng aking damdamin ay nakasalig sa pundasyon ng ebanghelyo at ng pundasyon ni Jesucristo. Kaya, kung may mangyayari pa sa hinaharap, naaalala ko iyon.
At masasabi ko rin na tuwing Linggo, sa pagtanggap ko ng sakramento, kapag sinasabing alalahanin ang Tagapagligtas, naaalala ko ang mga karanasan ko kasama Siya. At iyon din ang nagpatatag ng aking damdamin, dahil ang alaalang iyon ay tumutulong sa akin na maunawaan kung sino ako bilang anak ng Diyos at na mayroon akong layunin dito at narito ako para tulungan Siyang itayo ang Kanyang kaharian. Kaya, gaano man kaganda o kasama ang ating hinaharap, alam kong kailangan kong bumaling palagi sa Tagapagligtas. At may tiwala ako sa relasyong iyon, at doon nagmumula ang katatagan ng aking damdamin.