Pag-aangkop ng Klase para sa mga Mag-aaral na may Kapansanan o Iba pang mga Hamon sa Buhay

Karamihan sa mga klase sa seminary at institute ay kinabibilangan ng mga mag-aaral na may iba’t ibang kapansanan at iba pang mga hamon sa kaisipan, pisikal, o buhay. Ang ilang mag-aaral ay mangangailangan ng pag-aangkop upang matulungan silang makilahok, matuto, at matugunan ang mga requirement sa seminary graduation.
mag-aaral na nag-aaral ng mga banal na kasulatan

Ang pag-aangkop ng klase sa mga mag-aaral na may kapansanan o iba pang mga hamon sa buhay ay makatutulong sa kanila na makuha at makamit ang kaparehong resulta ng pag-aaral tulad ng mga mag-aaral na walang ganitong mga hamon. Ang malaman kung paano pinakamainam na matututo ang mga mag-aaral ay magsisimula sa pagkilala ng mga guro sa kanilang mga mag-aaral, “Kapag mas kilala mo ang isang tao, mas matutulungan mo siyang makahanap ng kahulugan at lakas sa ebanghelyo ni Jesucristo para sa kanyang sarili” (Mahalin ang mga Tinuturuan Mo, Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas).

Dapat isaalang-alang ng mga guro ang mga sumusunod na gabay kapag nagsasagawa ng mga pag-aangkop para sa mga mag-aaral:

 

Tukuyin ang mga Pangangailangan ng Mag-aaral

Habang pinag-iisipan ng mga guro ang mga pangangailangan sa pag-aaral at pag-aangkop para sa pangangailangan ng kanilang mga mag-aaral, maaari nilang itanong sa kanilang sarili:

Alam ko ba kung sino sa mga mag-aaral ko ang nahihirapan sa...

  • Pagbabasa?
  • Mga isyu sa pagkabisa o pagkatuto?
  • Pag-aaral at paggamit ng pangalawang wika?
  • Pakikinig o paningin?
  • Pisikal na pagkilos?
  • Pagpokus o hyperactivity?
  • Pakikipag-ugnayan sa ibang tao?
  • Mga problema sa kalusugan na nakaaapekto sa pag-aaral o pagdalo?
  • Pagkabalisa, depresyon, o iba pang problema sa kalusugan ng pag-iisip (Kalusugang Pangkaisipan, Tulong sa Buhay, Gospel Library)?
  • Iba pang mga hamon sa pamilya o buhay (tingnan sa Tulong sa Buhay, Gospel Library)?

Nakausap ko na ba ang mag-aaral at kanilang mga magulang o tagapag-alaga tungkol sa mga pag-aangkop na makatutulong sa tahanan o paaralan?

 

Magplano para sa mga Pangangailangan ng Mag-aaral

Kapag natukoy na ang pangangailangan, dapat gumawa ng plano ang mga guro na angkop na tutugon sa mga pangangailangan ng mag-aaral. Maaaring itanong ng mga guro sa kanilang sarili, “Paano ko matutulungan ang mag-aaral na ito na matutuhan ang alituntuning ito sa paraang maiintindihan nila at matutugunan ang kanilang mga pangangailangan sa pag-aaral?” Ang sumusunod na bahagi ay nagbibigay ng patnubay sa mga guro habang pinag-iisipan nila ang mga pag-aangkop para sa mga mag-aaral na nagsusumikap na matugunan ang mga requirement sa seminary:

1. Mga Requirement sa Attendance: Dahil sa kapansanan, problema sa kalusugan, o iba pang mga hamon sa buhay, maaaring hindi matugunan ng ilang mag-aaral ang mga requirement sa attendance. Ang mga pag-aangkop para sa mga mag-aaral na ito ay maaaring iba-iba at ito ay tinutukoy ng bawat guro. Sa pagsangguni sa mga mag-aaral at sa kanilang mga magulang o tagapag-alaga, ang mga makeup work strategy para sa attendance ay maaari at dapat i-angkop ayon sa pangangailangan ng bawat mag-aaral.

2. Mga Requirement sa Pagbabasa: Para sa mga mag-aaral na may problema sa pagbabasa o sa paningin, ang requirement sa pagbabasa ay maaaring ibigay sa ibang paraan, kabilang ang, ngunit hindi limitado sa:

  • Pakikinig sa mga audio version ng mga kinakailangang basahin.
  • Paggamit ng text to speech program online (marami ang libre).
  • Pagpapahintulot sa mga mag-aaral na magbasa kasama ang mga kaklase, guro, kapamilya, o lider ng Simbahan.
  • Pagbigay ng mga kopya na malaki ang teksto o nasa Braille.
  • Paggamit ng mga sanggunian na Mga Kuwento sa mga Banal na Kasulatan para mapanood, mabasa, o mapakinggan ang mga pinasimpleng kuwento sa banal na kasulatan online.
  • Paggamit ng mga aklat ng mga banal na kasulatan na may larawan na matatagpuan sa distribution center ng Simbahan.
  • Panonood sa mga video na “Scriptural Reenactments and Teaching” na ginawa ng Simbahan.
  • Pakikinig sa mga audio series na ginawa ng Simbahan .

3. Mga Requirement sa Assessment: Dapat sikapin ng mga guro na gumawa ng mga pag-aangkop sa mga assessment na tutulong sa mga mag-aaral na may kapansanan o iba pang mga hamon sa buhay na makibahagi katulad ng iba pang mga mag-aaral. Maaaring kabilang sa mga pag-aangkop ang:

  • Pagpayag sa sabihin ang sagot kapag nahihirapan ang mag-aaral na magsulat.
  • Pagbigay ng sapat na oras na pag-isipan ng mga estudyante ang sagot bago sumagot.
  • Paggamit ng iba-ibang paraan sa pagbigay at pagsagot sa mga assessment (oral, visual, atbp.).
  • Pagbigay ng maraming pagpipilian para sa mga sagot.
  • Para sa mga mag-aaral na may limitadong kakayahan sa pagsasalita, pagpapahintulot na sumagot sa pamamagitan ng pagkilos, pagturo gamit ang mata, o pagturo gamit ang kamay.

 

Isagawa ang Plano

Makatutulong ang mga guro na bawasan ang mga hadlang sa pagkatuto sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa:

  • Kung paano inilalahad ang impormasyon (lecture, pagbabasa, mga larawan, video, audio, peer support, at iba pa).
  • Kung paano tumutugon ang mga mag-aaral (pagsasalita, pagsusulat, visual, kasama ang isang kaklase, sa kanilang isipan, at iba pa).
  • Kapaligiran ng pag-aaral (wastong liwanag mula sa mga ilaw, paggamit ng mga upuan, lakas ng ingay, at iba pa).
  • Oras ng pagtuturo (karagdagang oras sa pag-iisip, break, dagdag na oras para sa mga pagsusulit o proyekto, at iba pa).

Ang sumusunod na karagdagang mga sanggunian ay maaaring makatulong sa mga guro sa pag-aangkop ng kanilang klase para sa mga mag-aaral na may kapansanan at iba pang mga hamon sa buhay.