Ang Beehive House ang naging opisyal na tirahan ng tatlong Pangulo ng Simbahan: Sina Brigham Young, Lorenzo Snow, at Joseph F. Smith. Ang bahay na ito na may tatlong palapag ay matatagpuan sa sentro ng Salt Lake City, Utah sa may kanto ng State Street at South Temple Street. Si Brigham Young ay naging gobernador din ng Utah Territory, at ginamit din ang Beehive House para tanggapin at asikasuhin ang mga bisita sa teritoryo. Ang bahay na ito ay naipanumbalik sa hitsura nito noong ika-19 na siglo at bukas para sa mga tour
Ang Beehive House ay itinayo noong 1854. Ang pangalan nito ay mula sa iskultura ng beehive na nakalagay sa tuktok ng mansiyon—isang simbolo ng kooperasyon, kasipagan, at tiyaga sa buong Simbahan. Ang arkitekto ng gusali ay si Truman Angell, na kasabay idinisenyo ang Salt Lake Temple. Ang Beehive House ang sentro ng malalaking ari-arian ni Brigham Young at isang tahanan ng pamilya sa loob ng ilang henerasyon ng mga lider ng Simbahan.
Kasama ang Lion House, ang Beehive House ay itinayo para sa malaking pamilya ni Brigham Young. Noong mga unang taon ng Simbahan, ang ilang miyembro ng Simbahan, kabilang na si Brigham Young, ay nagsagawa ng maramihang pag-aasawa, na nagbunga ng maraming anak. Isang paghahayag na ibinigay sa unang pangulo at propeta ng Simbahan na si Joseph Smith ang nagpasimula sa gawing ito ng mga miyembro noong mga unang taon ng 1840s. Isang opisyal na pahayag noong 1890 ang humantong sa pagwawakas ng maramihang pag-aasawa sa Simbahan. Dalawang maliliit na opisina na katabi ng Beehive House ang nagsilbi bilang punong-tanggapan ng Simbahan sa loob ng mahigit 60 taon.
Kasunod ng pagkamatay ni Joseph F. Smith, ang Beehive House ay naging isang boarding home para sa mga kabataang babaeng nakatira sa Lungsod ng Salt Lake para sa trabaho o edukasyon. Ang bahay ay pinangasiwaan ng organisasyon ng Young Women ng Simbahan. Naging napakamatagumpay ng programa, at maraming kabataang babae ng Simbahan ang nanirahan dito hanggang noong dekada ng 1950s.
Ang Beehive House ay muling binuksan bilang isang makasaysayang bahay museo noong 1961 kasunod ng isang malaking restoration project. Ngayon, ang Beehive House tour ay nakatuon sa buhay-pamilya at pamumuno para sa mga nakatira sa bahay sa pagitan ng 1854 at 1918.